MENU

 

SOLIDUM_POST_SONA.png

Matapos ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ipinangako ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato U. Solidum Jr., sa mamamayan ang mas ‘ramdam na agham’, sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

“Sa Bagong Pilipinas, ang agham ay ramdam. ‘Yan po ang ating pangako. Paano po natin gagawin ito? Si siyensya, teknolohiya at inobasyon, mga negosyo niyo ay tiyak kikita. Meron po tayong Small Enterprise Technology Upgrading Program [and] STARTUP fund. We have a program Propel to help investors and technologies to create enterprises and to create new jobs. Sa industriya, aarangkada. Ang kalusugan ay sisigla. Ang pagsasaka ay sasagana. Sa mga kabataan, may scholarship po tayo sa science, technology, engineering and mathematics. Ang bukas niyo ay may pag-asa. Kaya pangako po natin sa kasalukuyang administrasyon, ang agham ay ramdam,” saad ni Solidum sa idinaos 2025 post-SONA discussions on Environmental Protection and Disaster Risk Reduction noong Hulyo 29, 2025.

Sa kanyang talumpati noong Hulyo 28, 2025, binanggit ni Pangulong Marcos ang iba't ibang siyentipikong inisyatibo ng Department of Science and Technology (DOST), partikular sa paghahanda sa sakuna at agarang pagtugon.

“Ginagamit na natin ngayon ang mga makabagong teknolohiya lalo na sa maaga at mabisang prediksyon. Mga Doppler radar, broadband seismic stations, landslide sensors systems ng PAGASA at PHIVOLCS, sa iba’t-ibang lugar sa bansa. Sa epektibong pagsaklolo, nakakatulong ang mga Mobile Command and Control Vehicle ng DOST, na ipinamahagi natin sa labing-isang LGUs sa buong bansa,” saad ni Marcos. 

Bukod sa mga teknolohiyang ito na binanggit ni Pangulong Marcos, nangako rin si Solidum na ipagpapatuloy ang modernisasyon ng mga serbisyo ng DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa pamamagitan ng paglalagay ng karagdagang 175 seismic stations. Sa kasalukuyan, mayroong 125 na naka-deploy sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Idinagdag din niya na ang ahensya ay nagnanais na magkaroon ng hindi bababa sa 400 tsunami warning stations sa bansa upang mas mapalakas pa ang paghahanda sa lindol at tsunami.

Mula nang maglingkod si Solidum bilang kalihim ng DOST noong 2022, itinaguyod ng ahensya ang mga proyekto at programa nito sa apat na haligi: ang pagtataguyod ng kapakanan ng tao (promoting human well-being), pagpapalaganap ng paglikha ng yaman (fostering wealth creation), pagpapatibay ng proteksyon sa yaman (reinforcing wealth protection) at pag-institutionalize ng sustainability (institutionalizing sustainability), na naaayon din sa United Nation’s Sustainable Development Goals.

Bilang pagkilala sa kahalagahan ng pagprotekta sa yaman ng mamamayang Pilipino, nagsagawa ang DOST ng mga programa para pangalagaan ang mga buhay, at ari-arian, laban sa mga mapaminsalang sakuna na dulot ng mga panganib sa kalusugan, at banta sa kapaligiran.

Ang mga ‘tool’ gaya ng GeoRiskPH, ang seismic at hazard information platform, at mga kaganapan tulad ng Handa Pilipinas Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Exposition, ay nagbibigay sa mga komunidad ng sapat na kaalaman sa paghahanda para sa mga panganib na dulot ng mga natural na hazard at mga kalamidad na dulot ng tao.

Kamakailan lamang, nakaranas ng matinding pagbaha ang bansa partikular ang Metro Manila at iba pang lalawigan sa Rehiyon I at II dulot ng bagyong Crising, Dante at Emong, at patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan.

Ayon sa kalihim ng Department of Interior and Local Government na si Juanito Victor ‘Jonvic’ C. Remulla Jr., walang maayos na plano ang Metro Manila sa pagtatapon ng mga basura.

“Dahil inefficient ang planning natin in the last 30 years sa solid waste management, ang mga local government units ngayon nahihirapan sa collection system,” saad ni Remulla.

Ang problema sa wastong pagtatapon ng basura ay matagal nang isyu sa bansa, na nakakaapekto sa pagsugpo ng baha sa mga apektadong komunidad.

Bilang tugon sa problemang ito, inilunsad ng DOST, katuwang ang pamahalaang lungsod ng Cauayan, at Isabela State University, ang pagtatatag ng Material Recovery Facilities (MRF) sa Cauayan City noong 2024.

“Pagdating ng klima at ng baha, ang problema natin ay basura. Kaya kami ay mayroong science, technology and innovation for circular economy framework. Para ‘yong mga plastic, mga agricultural waste ay hindi itapon, kundi ma-convert natin sa mga bagay na pagkakakitaan,” dagdag ni Solidum.

Bukod dito, ang Metals Industry Research and Development Center ng DOST (DOST-MIRDC), katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)–Environmental Management Bureau's National Capital Region Office, ay bumuo rin kamakailan ng isang Floating Solid Waste Collector System—isang kagamitan na idinisenyo upang kunin ang mga lumulutang na debris mula sa mga daluyan ng tubig.

Samantala, ang isa pang problemang kinakaharap ng karamihan sa mga Pilipino ay ang kawalan ng access sa malinis na tubig, lalo na sa malalayong lugar. Ayon kay DENR Secretary Raphael P.M. Lotilla, nasa 40 milyong Pilipino ang walang access sa ligtas na mapagkukunan ng tubig.

Gayunpaman, ang DOST, sa pamamagitan ng programang Community Empowerment through Science and Technology (CEST), ay gumagawa din ng mga proyekto sa desalinasyon ng tubig, partikular sa mga malalayong lugar o mga isla.

Ayon kay Solidum, nasa higit benteng water desalination system na ang naipamahagi sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

“Kami sa Department of Science and Technology, at buong scientific community ay naniniwala na ang Pilipinas sa ngayon ay ang tingin sa atin ay biktima parati ng mga kalamidad, climate change, lindol, at pagsabog ng bulkan. Pero sa siyensya, teknolohiya at inobasyon, at maigting na pagtutulungan at disiplina, ang mga Pilipino ay pwedeng manalo sa mga puwedeng trahedya. We can become victors and not victims of disasters,” pagtatapos ni Solidum. (Ni Claire Bernadette A. Mondares, DOST-STII)