MENU

Bilang paghahanda sa pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa bansa, itinampok sa ika-labindalawang episode ng Tekno Presensya, na iniere kasama ang DZAG Radyo Pilipinas Ago, ang Department of Science and Technology - Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o DOST-PAGASA upang talakayin ang southwest monsoon o mas kilala bilang habagat.

Sa naging panayam kay Engr. Mark Louie A. Vergara, weather specialist mula sa PAGASA DMMMSU-Bacnotan Agromet Station, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng ginagampanang papel ng DOST-PAGASA bilang tagapaghatid ng mga weather forecast at early warning, lalo na patungkol sa bagyo, baha, at malakas na pag-ulan.

Kinumpirma niyang nagsimula na nga ang panahon ng tag-ulan nitong unang linggo ng Hunyo matapos na matugunan ang dalawang pangunahing pamantayan: ang pag-iiba ng daloy ng hangin patungong timog-kanluran at ang naitalang tuloy-tuloy na pag-ulan ng hindi bababa sa limang magkakasunod na araw sa karamihan ng mga monitoring station na nasa kanlurang bahagi ng bansa.

Dagdag niya, mahalaga ring maintindihan ng publiko kung ano ang Habagat, lalo na sa rehiyon ng Ilocos, kung saan ang tuloy-tuloy na pag-ulan ay kadalasang nagiging sanhi ng biglaang marahas na pagbaha at pagguho ng lupa. 

Ang epekto ng monsoon ay naapektuhan pa ng low-pressure areas o bagyo na lalong humihila ng dagdag ng basang hangin, na nagpapalakas at nagpapahaba ng pag-ulan.

Upang mapabuti pa ang kahandaan ng publiko, ibinalita ni Engr. Vergara na naglunsad ang DOST-PAGASA ng Graphical Weather Advisories. 

Sa pamamagitan nito, mas madali nang makita ang real-time na pagtataya ng pag-ulan sa mga piling lugar bilang mahalagang kasangkapan sa lokal na pamahalaan pati na sa mga residente, lalo at ibinabahagi ito sa pamamagitan ng social media at mga ka-partner na istasyon ng radyo at telebisyon.

Mahigpit rin ang pakikipag-ugnayan ng DOST-PAGASA sa mga local government units mula sa probinsya hanggang sa mga barangay para masiguro na umaabot ang maagang mga babala at paalala ukol sa kaligtasan. 

Hinikayat naman ni Engr. Vergara ang mga tagapakinig na mangyaring makipag-ugnayan ang mga residente sa lokal na tanggapan ng disaster risk reduction and management at sundan ang DOST-PAGASA sa mga opisyal nitong mga platforms para sa tiyak, tama, at napapanahong impormasyon. (Ni ni Rosemarie C. SeƱora, DOST-STII at impormasyon mula kay Karl Anthony M. Bugar, DOST-1)