MENU

 Pinagtuunan ng panrehiyon na tanggapan ng Department of Science and Technology (DOST) ang pagpapaganda sa kalidad ng sibuyas sa Occidental Mindoro sa pamamagitan ng pag-iimplementa ng mga teknolohiya at serbisyong tututok sa pagtaas ng produksyon, negosyo, at mas matatag na merkado ng sibuyas sa bansa.

Ayon sa datos ng Department of Agriculture (DA), ang Occidental Mindoro ay pumapangatlo sa Pilipinas para sa produksyon ng sibuyas noong 2023 na may output na 83,000 metriko tonelada mula sa 3,285 ektarya sa San Jose na siyang ang pinakamalaking munisipalidad sa probinsya.

Bagamat mayroong komersyal na daungan at paliparan ang Occidental Mindoro, patuloy na kinakaharap ng mga magsasaka ang pagtaas ng importasyon ng sibuyas na nagiging dahilan ng kanilang pagkalugi dahil sa pagbaba ng farm gate prices

Ang patubig ay isang kritikal na hakbang para mapabuti at mapatatag ang produksyon sa sakahan ng sibuyas. 

Kabilang sa mga pangunahing hakbangin ng DOST ay ang deployment ng smart drip irrigation systems sa ilalim ng Smart and Sustainable Communities Program. Nagbibigay-daan ang teknolohiyang ito na mapahusay ang paggamit ng tubig upang mabawasan ang pag-aaksaya nito at mapataas ang mga ani ng pananim.

Sa tuwing nagigipit ng importasyon, napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang produkto sa mas mababang presyo o kaya ay tuluyan itong itatapon kapag hindi na ito maibenta. 

Upang palakasin ang inobasyon at komersyalisasyon, muling nag-deploy ang DOST ng tatlong unit ng kagamitan mula sa Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP ng DOST gaya ng cabinet dryer at stainless steel tables upang palakasin ang mga lokal na operasyon sa pagproseso ng naturang pangunahing pananim.

Ang mga interbensyon na ito ay isinama sa mga pasilidad ng Occidental Mindoro State College (OMSC)College of Agriculture, partikular sa OMSC Food Processing Center sa Murtha Campus.

Karagdagan dito ang pagpapatayo ng isang onion processing facility na nagkakahalaga P10-milyon mula sa Department of Agriculture. Ang pasilidad ay makapagbibigay ng mas malawak na espasyo sa produksyon gayundin ang pagkuha ng advanced equipment tulad ng freeze dryer at water retort para sa pagpoproseso.

Samantala, ang DOST-MIMAROPA, sa pamamagitan ng Provincial Science and Technology Office (PSTO) nito sa Occidental Mindoro ay nagsagawa ng pagsasanay sa mga lokal na magsasaka patungkol sa mga makabagong kasanayan sa post-harvest.

Dito ay itinuro ang mga praktikal na kasanayan sa pagpoproseso ng sibuyas, kabilang ang mga pamamaraan tulad ng pagpapatuyo sa araw, paghahalo, at iba pang heating technologies, na maaaring kopyahin gamit ang mga lokal na kagamitan.

Kabilang sa mga makabagong resulta ay ang paggawa sa resipi ng Onion ice cream

Ang produktong ito ay isa lamang halimbawa kung paano ang malikhaing aplikasyon ng mga tradisyonal na pananim ay maaaring umusbong sa isang negosyo na pupwedeng pagkakitaan ng mga magsasaka at negosyante.

Upang suportahan ang merkado ng mga produkto, nakipagtulungan ang DOST sa Lazada Philippines upang mabigyan ang mga MSME at kooperatiba ng magsasaka ng mas malawak na access sa online na merkado na makatutulong sa pagpapalaki ng presenya ng kanilang mga produkto at pag-abot sa mga konsyumer hindi lamang sa probinsya kundi sa buong bansa.

Samantala, ang pakikipagtulungan sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at iba pang stakeholder, patuloy na isinusulong ng DOST ang pagpapaunlad ng mga teknolohiyang pang-agrikultura at ang pagbuo ng mga inklusibong supply chain

Ito ay upang mapanatili ang ecosytem ng mga pangunahing bilihin na napakikinabangan hindi lamang ng mga magsasaka kundi pati na rin ng mga lokal na negosyo, institusyong pang-akademiko, at mga mamimili. (Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII  at may impormasyon mula sa DOST Regional Operations Social Media Update)