Ipinakilala ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) ang iba’t ibang inobasyong pangkalusugan na gumagamit ng artificial intelligence (AI), extended reality, at iba pang intelligent tools upang lumikha ng mga inobasyong tutugon sa hamon ng sistemang pangkalusugan sa bansa.
Ito ay sa pamamagitan ng programang Digital and Frontier Technologies for Health (DFTH) na pinondohan ng DOST-PCHRD sa taong 2024 ng humigit-kumulang Php31.62-milyon at ng DOST ng humigit-kumulang Php 11.44-milyon.
Binigyang-diin ni DOST Secretary Renato U. Solidum Jr. ang kahalagahan ng paggamit ng digital health technologies bilang estratehikong hakbang sa pagbuo ng isang mas matatag, inklusibo, at handa sa hinaharap na healthcare system.
“Sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, at inobasyon, inihahanda natin ang pundasyon para sa isang mas malusog na Pilipinas,” aniya.
Sa kanya namang mensahe, binanggit ni DOST Undersecretary for Research and Development Dr. Leah J. Buendia ang pinakabagong ulat ng Global Innovation Index kung saan tumaas ang antas ng Pilipinas sa ika-limamput-tatlo (53rd) ngayong 2024 mula sa ika-limamput-anim (56th) noong 2023.
“Isa itong patunay na kinikilala ang kakayahan ng ating mga researchers at innovators sa ating bansa. Ngunit higit pa sa mga numero, ang mas mahalaga ay kung papaano nakakatulong sa buhay ng ating mga kababayan ang mga health technologies na kanilang ginawa,” aniya.
Kung paano mababago ng digital innovation ang pangangalagang pangkalusugan sa Pilipinas ay matutunghayan sa ilan sa mga proyektong sinuportahan ng DOST-PCHRD.
i-SULAT
Isa sa mga tampok na proyekto ay ang i-SULAT (Intelligent Stroke Utilization, Learning, Assessment and Testing) na pinangungunahan ni Dr. Edison A. Roxas mula sa University of Santo Tomas.
Ang software-based system na ito ay gumagamit ng intelligent handwriting stroke analysis upang makapaghatid ng pare-pareho at awtomatikong pagsusuri ng kakayahan sa pagsusulat sa murang edad.
Dahil ang pagsusulat ay isang mahalagang hakbang sa pag-unlad na may kaugnayan sa pagkatuto at kalusugang neurological, tinutugunan ng i-SULAT ang kakulangan sa accessible at standardized tools—lalo na sa mga lugar na kapos sa occupational therapy resources.
Ani Dr. Roxas, ang pagsusuri ng pagsulat ng mga kabataan—diin ng pagsusulat, paraan ng pagsulat tulad ng matulin ba o mabagal—ay maaaring makatulong upang malaman kung ang stress-levels ng isang indibidwal ay mataas o mababa.
“Maaari ring gamitin ito para makita antas ng depresyon at magkaroon ng mabilis na interbensyon, lalo na at patuloy ang pagtaas ng ganitong mga klaseng problema,” aniya.
Bukod sa early education, ang aplikasyon nito ay maaaring makatulong sa rehabilitasyon ng mga pasyenteng na-stroke, may mga learning disabilities, at diagnosis ng neurological disorders.
imGTS para sa mga may Cerebral Palsy at Alzheimer’s disease
Isa pang makabuluhang inisyatiba ang ang Immersive Gamification Technology Systems (ImGTS), na idinisenyo upang mapabuti ang rehabilitasyon para sa dalawang partikular na pangkat ng pasyente—mga batang may cerebral palsy (CP) at limitasyon sa paggalaw, pati na rin ang mga pasyenteng may Alzheimer’s disease na nakakaranas ng behavioral psychological symptoms of dementia (BPSD).
Sa kasalukuyan, sumasailalim sa clinical trials ang mga proyektong ito na isinasama ang mga interactive digital environments upang mapalakas ang pakikilahok sa therapy.
Pinangungunahan ni Prof. Maria Eliza R. Aguila mula sa University of the Philippines-Manila ang pag-aaral ng ImGTS para sa rehabilitasyon ng pediatric cerebral palsy, na nagpapakita kung paano makatutulong ang gamified experiences sa physical therapy.
Samantala, si Prof. Veeda Michelle M. Anlacan naman ang namumuno sa pananaliksik ukol sa ImGTS bilang potensyal na solusyon upang mabawasan ang BPSD sa mga pasyenteng may Alzheimer’s. Sa kasalukuyan, nasa Phase 2 na ng trials ang parehong proyekto, sinusuri para sa usability, safety, at therapeutic value—nagbibigay ng mahalagang suporta para sa mga tagapag-alaga at mga espesyalista sa rehabilitasyon.
Ani Anlacan, karamihan sa mga pasyenteng may dementia ay “apathetic” o madalas ay nakaupo lang, walang aktibidad, o hindi nagsasalita masyado, kaya malaking tulong ang “virtual environment” upang mapilit silang gumalaw o maglaro.
“Makatutulong din ito upang mabawasan ang kanilang pagkabugnutin o mainisin,” dagdag niya.
HealthPH Project
Ang huling proyektong itinampok, ang HealthPH Project ay pinamumunuan ni Dr. Mideth B. Abisado mula sa National University of Manila.
Nakatuon ito sa real-time surveillance ng mga respiratory disease trends sa pamamagitan ng machine learning at natural language processing.
Sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga talakayan sa social media sa English, Filipino, at Cebuano, nagbibigay ang HealthPH dashboard ng proactive monitoring ng lumalaganap na respiratory outbreaks.
Sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan sa Luzon, Visayas, at Mindanao, pinalalakas ng sistema ang mga hakbang sa public health response—ipinapakita kung paano maaaring gamitin ang digital intelligence upang patatagin ang mga estratehiya sa pagpigil ng sakit.
“Mayroon tayong dashboard, may mapa ng Pilipinas, at puwedeng magamit ng local government units para masabi ang trend ng mga post pagdating sa kalusugan,” ani Dr. Abisado.
Makatutulong din aniya ito na magbigay ng insights sa gobyerno, sa DOH, at sa iba pang health units na makapaghanda laban sa anumang klase ng sakuna.
Ang mga teknolohiyang nabanggit sa itaas ay itinampok sa Talakayang HeaRT Beat, isang press conference na inorganisa ng DOST-PCHRD at ginanap noong ika-27 ng Mayo 2025, sa lungsod ng Quezon. (Ni Rosemarie C. Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kay Christian Dave A. Caraggayan, DOSTv)