Namayagpag ang manufacturing performance ng Pilipinas sa taong 2024. Mula 53.8 na Performance Managers’ Index noong Nobyembre ay tumaas ito ng 54.3 noong Disyembre. Ito ang pinakamataas na naitala mula Abril 2022, ayon sa pahayag ng S&P Global Market Intelligence representative na si Maryam Baluch.
Ang paglago ay konektado sa pangangailangan o demand, pagkakaiba-iba ng produkto, at pagkuha ng mga bagong kliyente.
Upang suportahan ang tuloy-tuloy na paglago ng industriya, pinaunlakan ng Department of Science and Technology-Metals Industry Research and Development Center o DOST-MIRDC ang kanilang mga pasilidad para sa makabago at episyenteng mga teknolohiya sa paggawa ng dekalidad na mga produkto mula sa metal.
Ang DOST-MIRDC ay tumutugon sa propesyonal na pamamalakad at eksperto sa metal, engineering, at iba pang kaakibat na industriya para sa publiko at pribadong sektor.
Samantala, ang heat treatment ay mahalagang proseso upang mapabuti ang kabuang kalidad ng mga metal at iba pang mga materyales. Ito ay karaniwang ginagamit sa industriya ng pagmamanupaktura, paggawa ng mga sasakyan o automotive, at konstruksyon.
Sa pamamagitan nito ay maaring mapatigas, mapalambot, mapalutong, o mapakunat ang iba’t-ibang uri ng metal upang tumagal ang paggamit dito. Sa tamang heat treatment, nababawasan ang madaling pagkasira at madalas na pagpapalit ng mga piyesa, kaya nakatitipid sa gastos at oras.
Samantala, hindi lang pala plastik at resin ang maaring buuin ng 3D printing kundi pati na rin ang mga metal. Maaari na rin itong gamitin sa paggawa ng mild steel, tool steel, at stainless steel.
Ang makabagong teknolohiyang ito ay lubos na makatutulong sa pag-unlad ng mga pasilidad pangkalawakan o aerospace, mga panlupa at pang-dagat na sasakyan, at pagmamanupaktura.
Sa pamamagitan ng paggawa ng mga matitibay at epektibong kasangkapang metal ay mababawasan rin ang production waste. Dahil dito, mas makakaiwas sa panganib mula sa pagkasugat at pagkakontamina ng tao at ng kalikasan mula sa toxic na kemikal gaya ng lead, mercury, arsenic at cadmium na pawang may banta sa kalusugan.
Ang 3D printer ay pagbubuksan sa publiko ng Advanced Manufacturing Center (AmCen) na matatagpuan sa DOST-MIRDC.
Lumilikha ang ahensya ng iba't ibang mga produktong metal at serbisyo, kabilang ang mga tool, dies, molds, jigs at fixtures, at mga piyesa sa pamamagitan ng kumbensyonal at espesyal na proseso ng machining.
Nag-aalok din sila ng heat treatment, surface engineering (electroplating, anodizing), at additive manufacturing (AM) na mga serbisyo.
Ang mga kakayahan ng MIRDC ay nagbibigay-daan sa kanila na bumuo at gumawa ng mga tumpak na produkto tulad ng lead screws, guide pins, at mold and die component, pati na rin ang prototype engineered at decorative na mga produkto.
Para sa karagdagang kaalaman, ipadala ang mga katanungan sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. at subaybayan ang kanilang kaabang-abang na teknolohiya at kakailangaing serbisyo sa facebook.com/dostmirdc (Ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII )