MENU

_DSC3874_7b9b8681-04e1-4feb-9cb3-7981d6e2c6aa

Pormal na inanunsyo ng Department of Science and Technology-Philippine Institute of Volcanology and Seismology o DOST-PHIVOLCS ang matagumpay ng pagtatapos ng dalawang taong proyektong nagdokumento ng mga karanasan ng iba’t ibang saksi ng mahahalagang lindol, tsunami, at pagputok ng bulkan gamit ang ilang piling lokal na wika sa Pilipinas.

Nagsimula noong Marso 2023, layunin ng Project DANAS: Earthquake, Tsunami, and Volcano Disaster Narratives for an Experiential Knowledge-based Science Communication na magkaroon ng ambag sa komunikasyon ng agham at sakuna na may kontekstong lokal at sensitibo sa kultura ng Pilipinas.

Binigyang-diin din ng proyekto ang kahalagahan ng komunikasyong pang-agham sa paghahatid ng mga mensaheng may kaugnayan sa mga sakuna gamit ang mga lokal na wika tungo sa disaster risk reduction.

Mula sa nakalap na impormasyon sa isinagawang mga interbyu sa mga saksi ng pangunahing sakuna sa Pilipinas at konsultasyon sa iba’t ibang grupo ng mga eksperto, nakapaglathala ang Project DANAS ng labindalawang sourcebooks.

Sa kanyang presentasyon, ibinahagi ni DOST-PHIVOLCS Deputy Director and DANAS Project Leader Dr. Ma. Mylene M. Villegas na imbes na isang malaking volume, naglabas ang proyekto ng labindalawang sourcebooks upang mas maging angkop ang mga ito sa mga gagamit base sa wika o sa kanilang lokalidad.

Anim na Earthquake Sourcebooks na may kasamang video packages ang nailathala sa mga wikang Cebuano, Hiligaynon, Tagalog, Ilokano, Bikolano, and Kapampanga, habang anim na Volcano Sourcebooks ang naimprenta tampok ang Mt. Hibok-hibok, bulkang Kanlaon, bulkang Taal, Mt. Pinatubo, bulkang Mayon, at Mt. Bulusan.

DANAS_Dr Mylene

Sa kanya namang mensahe, nagpaabot ng pasasalamat si DOST-PHIVOLCS Director Teresito C. Bacolcol para sa mga tumulong na maging matagumpay ang proyekto. 

Thanks to the collaboration between DOST-PHIVOLCS, the University of the Philippines Visayas, and Don Mariano Marcos Memorial State University, we have worked toward a more culturally inclusive approach to disaster risk reduction, especially when it comes to volcanoes, earthquakes, and tsunamis. This project has given us the chance to not only document but truly understand the real-life experiences of communities impacted by these natural hazards,” aniya.

Nagpaabot din siya ng pasasalamat para sa mga lumahok sa isinagawang mga interbyu, translation consultant, lokal na pamahalaan, division office ng Department of Education, mga pamantasan, lokal na midya, pati na rin ang mga rehiyunal na opisina ng Office of Civil Defense, DOST, Provincial Science and Technology Offices, mga kasangguni mula sa University of the Philippines Diliman at Los Baños, Sorsogon State University, iba pang mga eksperto, at kawani mula sa DOST-PHIVOLCS.

DANAS_Dir Bacolcol

Ang naturang mga sourcebook ay magsisilbing mahahalagang sanggunian para sa mga opisyal ng Disaster Risk Reduction and Management, mga guro, at lokal na midya, upang matulungan silang makapaghatid ng mga mensahe ukol sa sakuna na tama at beripikado ng agham na may kontekstong lokal at sensitibo sa kultura ng Pilipinas. Isasama rin ang mga ito sa isang communication kit bilang parte ng capacity-building ng DOST-PHIVOLCS.

May mga rekomendasyon ring ilalabas ang proyekto para sa paggamit ng sourcebook para sa DepEd at Science Communication Agenda ng DOST.

Ang Project DANAS ay pinagtulungan ng DOST-PHIVOLCS, Don Mariano Marcos Memorial State University-South La Union, at ng University of the Philippines Visayas in Iloilo City at pinondohan ng DOST-Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII)