Kapag naririnig ang salitang radioactive ay tila may nakaambang panganib sa kaisipan ng karamihan. Subalit, hindi lahat ng kaso ng radioactivity ay nagdudulot ng kapahamakan.
Alam ba ninyo na ang presensya ng radiation ay kahit saan? Ngunit, hindi lahat ng kaakibat nito ay panganib kung lalaliman natin ang ating kaalaman.
Sa unang podcast episode ng Radyo-Active the Podcast, binigyang-linaw ang mga haka-haka tungkol sa radioactive sa maaliw at kamangha-manghang kwentuhan kasama ang mga iba’t-ibang dalubhasa mula sa Department of Science and Technology-Philippine Nuclear Research Institute o DOST-PNRI.
Ang radioactive waste ay hindi kulay green.
Sa mga palabas, lalong lalo na sa mga cartoons, karaniwang nakikita ang radioactive waste na malapot-lapot na likido na kulay lime green. Ngunit, isa lamang pala itong masining na paglalarawan sa bagay at malayo sa katotohanan.
Ani ng nuclear chemist-host na si Rafael Kyle Bitangcor, maaaring ganito ang konsepto na ipinapakita sa tao dahil kapansin-pansin sa paningin ang kulay berde lalong lalo na kung ito ay glow in the dark.
Pagpapaliwanag ng physicist-host na si Art Marcelo Andallo II, walang kulay ang radioactive waste. Subalit kung may kulay na natural na makikita ang ating mga mata, hindi ito kulay berde kundi bughaw o blue. Ang kulay bughaw ay makikita sa bihirang pagkakataon na mas mabilis ang paglalakbay ng electrons o beta particles sa transparent na medium gaya ng tubig kaysa sa bilis ng liwanag. Ito ay tinatawag na Cherenkov radiation.
Taliwas sa imahe, ang basurang nukleyar ay maingat na iniimbak sa mga pasilidad upang payagan ang mga radioactive na materyales na mabulok, mabawasan ang mga panganib sa transportasyon, at gawing simple ang pagtatapon.
“Mapa-gamma radiation o neutron radiation, wala akong nakikitang kulay. This is concerning because we really don’t know the extent of radiation that we are getting dahil nga wala itong kulay,” dagdag ni Andallo II. Base sa kanyang karanasan, malalaman lang daw na radioactive ang nasa radioactive waste container kung tumutunog ang radioactive detector.
Kung ang saging ay may puso, ito rin ay radioactive.
Ang bunga ng saging ay nagtataglay ng natural na radioactive na potassium-40. Ang isang piraso naman ng saging ay naglalabas ng 0.1 microsieverts radiation ngunit walang dapat ikabahala dahil ito ay hindi nakasasama sa kalusugan.
Ayon sa mga eksperto, kung ang isang tao ay makakakain ng isang milyong saging ay saka lamang magkakaroon ng banta sa cancer dahil sa angking radioactive element ng prutas.
“Ang presensya ng radiation ay natural kahit saan. Ito ay nasa hangin maging sa ating katawan. Kapag lumabas tayo, nae-expose tayo sa radiation rays o cosmic radiation na nagmumula sa kalawakan,” ayon sa nuclear operator-host na si Rafael Miguel Dela Cruz.
Maging sa himpapawid, kapag tayo ay tumatagal sa biyahe ay makakakuha tayo ng nasa 40 microsieverts cosmic radiation.
Ang nuclear radiation ay isang malaking asset.
Ang nuclear radiation ay ginagamit sa ibat-ibang industriya gaya ng imprastraktura, carbon-free na enerhiya, at medisina.
Sa kabilang banda naman, ang nuclear chemistry ay pag-aaral sa taglay na kemikal ng mga radioactive na elemento. Dito tinutuklas ang reaksyon ng nuclear, radioactive decay, at pagpapaliwanag sa pagbuo ng bagong elemento.
“We use these properties to conduct research and contribute to various applications from agriculture to medical isotopes,” banggit ni Bitangcor.
Isa ang hemostat granules sa maipagmamalaking inobasyon ng DOST-PNRI.
Isa itong aparatong pang medikal na kayang kontrolin ang traumatic bleeding mula sa tama ng bala o kaya ay sugat mula sa saksak ng matulis na bagay.
Maihahambing ang itsura nito sa asukal. Subalit, wala daw itong mahikang sangkap ayon kay Bitangcor.
Ang hemostat ay may kakayahang makontrol ang pagtulo ng dugo at naiibsan ang hapdi kapag nilagay sa sugat.
Gawa ito sa modified cellulose (mula sa halaman) na isinailalim sa nuclear irradiation kasama ng biocompatible substrate upang mapagdugtong-dugtong ang polymers kung saan nabuo ang 3D network na tinatawag na hydrogels.
“Parang siyang sealing agent na tinatakpan niya yung sugat at na ko-kontrol niya yung bleeding. Since siya ay first aid tool, kailangan pa ring dalhin ang pasyente sa ospital,” pagpapaliwanag ni Bitangcor.
Makatutulong ang inobasyong ito upang iligtas ang buhay ng pasyente mula sa pagkaubos ng dugo dahil sa malalang sugat, lalong lalo na sa mga liblib na lugar kung saan may kalayuan ang mga ospital.
Sa kasalukuyan, prinoposeso pa rin ang patent application ng hemostat.
Sama-sama nating tunghayan ang iba pang pagbibigay-linaw at paghalungkat ng kaalaman tungkol sa teknolohiya at inobasyon ng nukleyar. Sundan ang Radyo-Active the Podcast sa DOST-PNRI YouTube channel at Facebook page. (Isinulat ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)