MENU

Kung meron mang lugar kung saan naipamamalas ng mga kababaihan ang kanilang pagkamalikhain, isa na dito ang kusina. 

Sa kasagsagan ng ikalawang pandaig-digang digmaan, nagkaroon ng kasalatan sa industriya ng pagkain sanhi ng bagsak na ekonomiya. Sa gitna ng unos, nasaksihan ang pagtindig ng mga kababaihang pilipino upang bungkalin ang pag-asa sa gitna ng kasalatan.

Ating kilalanin ang mga makasaysayang inobasyon sa pagkain ng mga Filipinang siyentista na hanggang ngayon ay napakikinabangan at nagsisilbing inspirasyon sa makabagong henerasyon.

Banana ketchup ni Orosa

Saging is everywhere nga naman sa Pilipinas. Isa ang ang saging sa go to miryenda at pang himagas ng mga Pilipino. Bukod sa pupwede itong kainin ng sariwa, ay maari rin itong gawing sawsawan gaya ng suka at ketchup.

Ang banana ketchup ay imbensyon ng isang food technologist at pharmaceutical chemist na si Maria Orosa y Ylagan. Simple lamang ang sangkap; saging na saba, pulang asukal, suka, at pampalasa. 

Alam ba ninyo na ang orihinal na kulay ng banana ketchup kayumangi o brown? ngunit kalaunan ay hinaluan ito ng food coloring na pula upang mas maging kaaya-aya sa paningin ng mga mamimili. Ang banana ketchup ay nagsilbing alternatibo sa imported na tomato ketchup buhat ng kakulangan sa supply ng kamatis noong World War II

Malaki ang ambag ng banana ketchup sa buong mundo dahil ito ang susi sa signature taste ng manamis-namis na Filipino spaghetti

Hanggang ngayon ay makikita parin sa kainan at tahanang pilipino ang banana ketchup na ginagamit bilang sawsawan sa mga pritong ulam gaya ng torta, hotdog, itlog, isda, at iba pang pagkain.

Bukod sa banana ketchup, kinilala din si Orasa sa kanyang imbensyon na soyalac (powdered soybean) at palayok oven na nagsisilbing lutuan ng mga kabahayang walang elektrisidad.

Nata ni África

Pansin mo ba ang mga bloke ng jelly sa inyong fruit salad o milktea? Ito ay ang nata de coco─malaro sa panlasa, manamis-namis, at may pagkakunat ang textura.

Kilala rin bilang coconut gel, ang nata de coco ay maipagmamalaking imbensyon noong 1949 ni Teódula Kalaw África, isang chemist mula sa National Coconut Corporation na ngayon ay Philippine Coconut Authority (PCA). 

Ang nata de coco ay gawa sa fermented na tubig ng niyog kung saan ang gel ay nabubuo dahil sa microbial cellulose na binubuo ng Komagataeibacter xylinus (Sanchez, 2008)

Ang nata ay karaniwang sangkap sa panghimagas at palamig na ginawang alternatibo sa nata de piña, na nooy naging malimit lamang ang produksyon dahil sa pagbaba ng supply sa piña fibre (Vergara, 1999).

Samantala, maaring sumangguni para sa kaalaman sa paggawa ng dekalidad na nata gamit ang pangalawang edisyon ng Nata de Coco Production na inilathala ng Department of Science and Technology-Technological Services Division ng Industrial Technology Development Institute (DOST-ITDI).

Coco Canned Milk ni Gonzalez

Noong 1985, nasungkit ng food technologist na si Olympia N. Gonzalez ang gintong medalya mula sa World Intellectual Property Organization (WIPO) para sa kanyang dawalang (2) imbensyon na baby foods from local fruit at proseso ng paggawa ng Coconut milk at iba pang coco-based products.

Kabilang rin sa kanyang patented invention ang pagpo-proseso ng non-carbonated at carbonated coconut water beverages.*

Sa katunayan isa si Gonzales sa labing apat (14) na Filipinang siyentista na kinilala bilang outstanding woman inventor ng WIPO. Isa siya sa mga nagpakilala sa bansa ng pagpoproseso mga produktong gawa sa buko upang maiwasan ang mabilis na pagkasira at maari pang i-export sa ibang bansa.

Ang kanyang coconut canned milk na tinawang na Coco Manila ay kayang tumagal ng isang (1) taon, ayon sa website na inventricity.com.

Flavored Salt and Food Seasoning ni Carandang

Noong 2023, nasa pitong (7) porsyento lamang ang ambag ng lokal na produksyon sa kabuuang pangangailangan sa asin ng bansa ayon sa ulat ng National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI).

Ang mahinang industriya ng lokal na asin ang nagsilbing inspirasyon ni Maricar Carandang ng DOST-ITDI upang gawing makulay ang lokal na asin hindi lamang sa itsura kundi sa panlasa at sustanya.

Sa komposisyon pa lamang ng flavored salt ay sinigurado ang lasang makapilipino. Ang brine solution ay gawa sa barara’ o asin mula sa tubig-alat, lato o seagrapes, ulo ng hipon (mula sa surplus ng tiger shrimp processing), at shiitake mushroom na pinalalago sa ating bansa. Wala itong halong preservatives, mababa ang sodium content, at karga-karga pa ang ilan minerals na mabuti sa kalusugan.

Sa kasalukuyan ay nakikipagkasundo ang ITDI sa mga lokal na prodyuser ng asin, mga kompanyang gumagawa ng pampalasa, at culinary experts upang mas mapalawak pa ang produksyon at paggamit ng inobasyon. 

Samantala, umani narin ng ibat-ibang internasyonal na karangalan ang flavored salt gaya ng gold award sa 2023 Seoul International Invention Fair at Outstanding Award from Citizen Innovation Singapore. Ipinakilala narin ito sa International Food Exhibition (IFEX) noong 2019 at 2021 tanda isa na itong maipagmamalaking produktong pinoy. (ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)

*Ang artikulong ito ay binago upang idagdag ang impormasyon tungkol kay Dr. Gonzalez mula sa apo niyang si Ma. Athena Bulay, pati na rin ang mga pamagat ng mga larawan (25 Pebrero 2025).