Sa isang pambihirang pagpapakita ng malasakit at pagpapahalaga sa tungkuling panlipunan, nakipagsanib-lakas ang mga kasapi ng DOST Scholars Association of Negros Oriental (DOST SA NegOr), DOST Scholars Association of Negros Oriental State University (DOST SA NORSU), at DOST Scholars Association of Silliman University (DOST SA SU) sa Philippine Red Cross Negros Oriental (PRC NegOr) Chapter at DOST Negros Oriental upang isagawa ang gawaing handog-dugo noong umaga ng ikatlo ng Hunyo taong 2023 sa Bulwagang Sofia Soler ng Foundation University sa Lungsod ng Dumaguete.
Sama-samang nagbalangkas, nakipagtugon, at nakipagpunyagi ang tatlong mga kalipunang pang-iskolar, kung saan mahalagang papel ang ginampanan ng PRC NegOr sa matagumpay na pagsasagawa nito, habang inako naman ng DOST NegOr ang mga pangangailangan sa pinagdausan tulad ng lugar at pakain sa mga tagasagawa at kalahok.
Ayon kay Shine Therese Mate, Pangulo ng DOST SA NegOr, napagpasyahan ng kapisanan na isagawa ang handog-dugong tinaguriang "Young Blood Initiative" ayon sa kanilang umiiral na kaalaman sa kalagayan ng imbakan ng dugo sa Negros Oriental, ugnayan nito sa PRC, at iisang nais na makatulong sa pamayanan.
Nabanggit naman ni Kairos Noel D. Daron, Pangulo ng DOST SA SU, ang nais ng mga iskolar na paigtingin ang pagpakita ng pamumuno nila bilang mga tagapaglingkod.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pagkukusang ito na kanilang gagampanan, maaring makapagtatag ng pamanang ganap at matagalan ang kapisanan sa mga "tunay" na iskolar ng DOST—ang tapat na paglilingkod sa bayan at sa bansa.
Para naman kay Khamile Salazar, Pangulo ng DOST SA NORSU, ang gawaing ito ay isang pagkakataon para sa mga iskolar sa Silangang Negros na ipakita ang kanilang pagbubuklod sa kabila ng kanilang pagkakaiba-iba.
Ipinagpatuloy niya na tumatayo bilang pagpapaalala ang gawaing ito sa kahalagahan ng pag-aambag sa lipunan at pagtulong sa mga nagangailangan—na sa paghandog ng dugo ay nakayanan nilang puspusang makiisa sa isang gawaing mapagsagip-buhay na may magandang maidudulot sa pamayanan.
Tatlumpung mga iskolar ang nirapatang maghandog ng dugo, at karamihan sa kanila ay naramdaman ang pangangailangang lumahok sa gawaing ito bilang kanilang tungkuling may pananagutan.
Ibinahagi ni Krivi Keit O. Banogon, isang iskolar ng DOST na nasa ikatlong taon sa pagkuha ng kursong arkitektura sa NORSU, na ang gawain ay nakapagbigay ng pagkakataong noo'y mailap sa kanyang magkusang makapaghandog-dugo, lalo na nang mabasa niya ang ukol sa mainam na maidudulot nito hindi lamang sa kanyang katawan ngunit pati na rin sa kanyang pamayanan.
Sambit naman ni Marvin Hendrick Cirunay, isa ring iskolar ng DOST na kumukuha ng kursong pag-iinhinyero sa NORSU, na sa paglahok sa Young Blood Initiative ay umaasa siyang mapapaigting pa ang kamalayan ng kanyang kapwa sa kahalagahan ng paghahandog-dugo at mapaparami pa ang mga tagapaghandog na makatutulong sa pagsasagip-buhay.
Hayag naman ni Cherry Mae B. Belen ng PRC NegOr na lubusang makatutulong ang mga dugong naimpok sa pagdagdag sa pangangailangan ng mga maysakit sa lalawigan, lalo na sa mga panahong may biglang pangangailangan.
Binigyang papuri din niya ang mga iskolar—na karamihan ay baguhan sa gawaing ito—sa kanilang kusang-loob na maghandog ng dugo sa mga darating pang mga pagkakataon, kahit pa na ang ilan sa kanila ay ipinagpaliban muna dahil hindi nasapit ang iilang mga pangangailangan tulad ng timbang at kalagayan sa hemoglobin.
Sa pangkalahatan ay matagumpay ang isinagawang handog-dugo sa kadahilanang nakapaghandog ang mga iskolar ng dalawampu't pitong supot ng dugo sa PRC. Napatunayang mabisa ang gawaing ito sa pagtatanghal ng diwang makabayan ng mga iskolar ng DOST sa pakikipagtulungan tungo sa iisang mithi at sa pag-iiwan ng matagalang maipapamana sa pamayanan. (Isinalin ni Allyster A. Endozo, DOST-STII)
Paghahandog ng dugo ng mga iskolar ng DOST (nakalapag sa mga higaang patiklop) sa layuning makasagip-buhay sa handog-dugong isinagawa ng DOST SA NegOr sa pakikiisa ng PRC NegOr.