Lubos ang pasasalamat ni Julieta Butalid-Dela Cerna, isang babaeng negosyante at magsasaka sa Camiguin, sa tulong na hatid ng SETUP o Small Enterprise Technology Upgrading Program ng Department of Science and Technology.
Ang kanya kasing negosyong Mama Jita’s Food Products Inc. na nagpoproseso ng cacao ay nagkaroon ng 20 porsyentong pagtaas ng produksyon, 25 porsyentong pagtaas ng kita, at pagbaba ng mga rejects mula sa 40% na ngayon 35% na lamang.
Sa tulong ng naturang programa na naghatid ng inobasyon sa negosyo ni Dela Cerna, nagbunga rin ito ng dalawang direkta at tatlo hindi direktang trabaho na masasabi ring nakatulong sa lokal na ekonomiya.
"Eto ang pinakamalaki na tulong sa akin kase may grace period (na) one year at saka three years to pay so hindi mabigat sa pagbayad", aniya.
Nagbigay rin ang DOST ng teknolohikal na serbisyo ng konsultasyon, kabilang na ang seminar-workshop sa Good Manufacturing Services at food safety, smart packaging assistance, Halal awareness seminar, Manufacturing Productivity Extension.
Sa tulong ng SETUP, nauna nang nakatanggap noong 2021 ang kompanya ng food-grade equipment na may mas magandang ispesipikasyon. Kabilang dito ang roaster machine, cacao colloid mill, industrial multipurpose cacao cracker/dehuller winnower, at iba pa.
Nabigyan rin ng tulong ang kompanya sa pagbalangkas nito ng Sanitation Standard Operating Procedures o SSOP na isa sa mga pangunahing dokumento na kinakailangan upang makakuha ng lisensya na mag-operate ng negosyo mula sa Food and Drug Administration na nakuha nito noong Agosto 2022.
Sa tulong ng naturang lisensya, nailabas na ang Mama Jita’s Food Products sa kalapit na mall at piling supermarket sa rehiyon.
Ang naging pag-unlad naman sa kagamitan ay nakatulong upang matugunan nito ang maraming purchase order mula sa mga partner nitong pasalubong center, mall, supermarket at outlet para sa dalawang pangunahing produkto - ang tablea at tablea choco drink.
Sa pagbisita ni DOST Seretary Renato U. Solidum, JR noong Abril 2023 ay naitanong nito kay Dela Cerna kung ano ang mga pangarap nito para sa negosyo.
“Ang pangarap ko na mas lumago pa (business), target maka CPR (Certificate of Product Registration) para maka display sa mga malls at saka (maka)export," sagot niya.
Ang Mama Jita’s Tablea ay isang chocolare bar na maaaring gamitin sa champorado o chocolate porridge at sikwate. Ang mga produkto ng naturang kompanya ay gawa sa 100% na purong native cacao variety na sobrang bango.
Para sa mga interesado, maaring mabili ang mga ito sa ilang piling pasalubong center at mall at sa Rehiyon 10.
Sina DOST Secretary Renato U. Solidum Jr at DOST Undersecretary for Regional Operations Sancho A. Mabborang kasama ang may-ari ng Mama Jita’s Food Products Inc na si Ms. Julieta Dela Cerna at mga kinatawan ng DOST-X sa ginanap ng project visit noong 12 April 2023.
Ang mga empleyado ng Mama Jita’s Food Products habang ginagawa ang isa sa mga popular nitong produkto na tablea.