Ipinakita ng kababaihang IP ang proseso ng pagdadagdag ng mga bead sa kanilang katutubong pananamit.
Ibinida ng Indigenous People (IP) Women’s Association mula sa Barangay Kimlawis, Kiblawan, Davao del Sur ang kanilang katutubong inobasyon o grassroot innovation sa United Nations Development Programme – Independent Country Programme Evaluations o UNDP-ICPE bilang parte ng Grassroots Innovation for Inclusive Development (GRIND) program ng Department of Science and Technology XI o DOST XI).
Sa ilalim ng GRIND program, nagsagawa ang DOST XI ng SalikLakbay Solutions Mapping Immersion kung saan sinuri ang ilang katutubong inobasyon o grassroot innovation (GI) sa naturang komunidad upang malaman ang mga interbensyong maka-agham at teknolohiya na maaaring gawin sa komunidad.
Sa pagbisita ng UNDP na pinangunahan ni Bb. Thaveepom Vasavakul ng UNDP Bangkok, ibinida ng mga kababaihang IP ang kanilang mga produktong habi, bead works, at iba pang minanang mga lutong pagkain.
Nagkaroon din ng pagpupulong ang UNDP kasama ang Municipal Indigenous Peoples Mandatory Represesentative na si Fulong Joseph Saman, iba pang tribal chieftain, at miyembro ng naturang samahan ng mga kababaihan kung saan natalakay ang mga kasalukuyang inisyatibo, mga pagsubok, at mga natukoy na oportunidad sa kanilang mga inobasyon.
Noong 2020, nakipagtulungan ang UNDP Philippines sa GRIND program ng DOST XI upang masuportahan at mapagyaman ang mga inobasyong mula sa impormal at katutubong sektor, at mapondohan ang mga handa at hinog nang proyekto.
Sa kasalukuyan, ang DOST XI ay nakatakdang tulungan ang katutubong inobasyon sa katutubong damit sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitan.
Ang mga katutubong inobasyon ay mga solusyong nadebelop at pinangungunahan ng mga komunidad sa mga kabukiran o countryside na may layong tugunan ang mga pangangailangan at interes ng mga komunidad, at masiguro ang pagpapatuloy ng kanilang mga kaugalian.
Sa pamamagitan ng GRIND program, nadebelop ng DOST XI ang iba’t ibang inobasyon sa pamamagitan ng pagdebelop ng mga produkto, paggawa ng prototype, pag-patent, at pagpapaunlad ng kapasidad tungo sa napapanatiling pag-unlad o sustainable development. (Ni Rosemarie C. Señora at impormasyon mula sa DOST XI S&T Information and Promotion)