MENU

Ang ating mga magsasaka at vegetable grower ang madalas na lubhang naapektuhan tuwing may tatama na malakas na bagyo sa bansa. Ang matinding hagupit ng masamang panahon ay nagdudulot sa pagkasira ng mga pananim na siyang natatanging kabuhayan ng ating magsasaka.

Upang protektahan sa pagkapinsala ang mga aanihing pananim ng ating mga magsasaka at vegetable grower, isang pasilidad na typhoon-proof na nagtatampok ng smart agriculture farming na sistema ang itinayo at siyang pinasinayahan ng Department of Science and Technology (DOST) Region 3 at Aurora State College of Technology (ASCOT)-Baler campus para sa bayan ng San Luis ng nasabing probinsya. 

Sa kanyang mensahe, naniniwala si DOST Region 3 Director Dr. Julius Caesar V. Sicat na makakatulong ito sa mga lokal na magsasaka at vegetable growers lalo na sa pagkakaroon ng masaganang ani sa matagal na panahon.

“The vertical indoor, high-value crop production system uses less soil and water than traditional farming. It uses solar panels to energize lighting fixtures, drive the drip irrigation with fertigation, remotely regulate temperature, and run the ventilation system in a closed environment unaffected by external conditions. Thus, ensuring a bountiful harvest all the time,” paliwanag ni Reg. Dir. Sicat.

Sa ginanap na inagurasyon ng nasabing pasilidad, sinaksihan ito nila DOST Secretary Fortunato T. de la Peña at DOST Region 3 Director Julius Caesar V. Sicat gayundin ng mga opisyales ng ASCOT sa pangunguna ni by Dr. Eutiquio L. Rotaquio at ilang mga lokal na opisyales.

Samantala, ipinarating naman ni Roselito Dadero, ang tumatayong chief of staff ni San Luis Mayor Ariel A. De Jesus, ang pasasalamat at aniya karangalan ito para kanilang bayan gayundin sa ASCOT at sa buong lalawigan ng Aurora na may ganitong isang napakagandang programa.

“Ang napakagandang inobasyon na ito ay para sa ikauunlad ng hindi lamang ng aming bayan (San Luis) kundi ng buong lalawigan ng Aurora at pati na ng buong bansa. Tatanawin po itong malaking utang na loob ng Bayan ng San Luis”, paglalahad ni Dadero.

Tiniyak naman ni Reg.Dir. Sicat na patuloy na makikipagtulungan ang DOST Region III sa ASCOT upang makapagdebelop ng iba pang inobatibong produkto at serbisyo na siyang makakatulong paunlarin ang pamumuhay ng mga mamayan sa Aurora.

Ang nasabing proyekto ay pinondohan sa ilalim ng Grants-in-Aid o GIA program ng DOST. (Ni Allan Mauro V. Marfal, DOST-STII at impormasyon mula kay Janice M. Martinez, DOST-III)