MENU

Limang bagong proyekto ang ibinida ng Department of Science and Technology – CALABARZON (DOST-CALABARZON) sa ginanap na pagbubukas ng 2021 Regional Science and Technology (RSTW).

Bagama’t isinagawa ang pagdiriwang online dahil sa umiiral pa ring pandemya, hindi ito naging hadlang upang maihatid sa mga manood sa Zoom at Facebook ang tema ngayong taon ng 2021 National Science and Technology Week na “Agham at Teknolohiya: Tugon sa Hamon ng Panahon.”

DOSTRUCK: “Featuring Cavite’s finest coffee… Tara, kape!”

Isa sa limang proyekto ay ang DOST Technology in the Region for the Upscaling of Community Knowledge o DOSTRUCK na may tagline na “Featuring Cavite’s finest coffee… Tara, kape!”

Isa itong food safety-compliant at mobile food processing hub na kasalukuyang matatagpuan sa Magallanes, Cavite.

Nagpahatid ng pagbati sina Engr. Robert O. Dizon, executive director ng DOST – Metals Industry Research and Development Center (DOST-MIRDC) at Dr. Camilo A. Polinga, OIC-President ng Cavite State University (CvSU) dahil sa tagumpay ng proyekto.

Ang DOST-MIRDC ang nag-fabricate at nag-test ng mobile hub habang ang CvSU naman ang pangunahing partner ng DOST-CALABARZON sa pag-ooperationalize ng DOSTRUCK.

Nagpahatid rin ng pagsasalamat si Magallanes Mayor Jasmin Angelli Maligaya-Bautista sa pagpili sa naturang munisipalidad bilang benepisyaryo ng unang batch ng hub, na nakatulong sa local coffee growers na maiproseso ang kanilang ani gamit ang angkop na kagamitan at pasilidad.

Noong ika-28 ng Setyembre 2021, pinangunahan nina Mayor Bautista, DOST-MIRDC Prototyping Division Chief Rodnel O. Tamayo, Vice President Polinga, Dr. Ruel M. Mojica (coffee processing expert mula sa CvSU), at DOST-CALABARZON Regional Director Emelita P. Bagsit ang pagpapasinaya sa DOSTRUCK.

CFoSH Vacuum Freeze-Drying Facilities

Sunod namang inilunsad ang CALABARZON Food Solution Hub (CFOSH) Vacuum Freeze-Drying Facilities na may layong matulungan ang mga micro, small, and medium enterprises na makapagprodyus ng may mataas na kalidad ng vacuum freeze-dried products.

Sa programa ay nagpahatid ng pagbati sa DOST-CALABARZON ang mga katuwang sa proyekto sa pangunguna nina  Department of Trade and Industry – Region IV-A (DTI-4A) Regional Director Marilou Q. Toledo, DTI Laguna Provincial Office Director Clarke S. Nebrao, Laguna State Polytechnic University (LSPU) President Mario R. Briones, at Association of Laguna Food Processors (ALAFOP) President Jerry S. Urriquia Jr.

Ani LSPU President Briones, pinatutunayan ng tuloy-tuloy na pananaliksik na ginagawa ng unibersidad sa alternative drying methods na ang vacuum freeze-drying ay hindi lang nagpapahaba ng shelf-life ng pagkain kundi nakatutulong rin na mapanatili ang sustansya at mapaganda ang lasa ng prutas at gulay.

Matatagpuan ang naturang vacuum freeze-drying facilities sa LSPU Sta. Cruz Campus sa Laguna para magamit ng ALAFOP at iba lang lokal na food enterprises.

Gulayan sa Pamayanan Project, ipinatupad ng Caritas Manila, Inc.

Ibinahagi rin ng DOST-CALABARZON ang kaganapan sa isinagawang inagurasyon ng Gulayan sa Pamayanan Project sa Bukid Kabataan Center sa General Trias, Cavite noong ika-8 ng Oktubre 2021.

Ang naturang proyekto, na bunga ng kolaborasyon sa pagitan ng DOST-CALABARZON at ng Central Luzon State University o CLSU, ay nasa ilalim ng programang “Galing-PCAARRD Kontra COVID-19” ng DOST – Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) na may layong makatulong na mapawi ang gutom ng ating mga kababayan ngayong pandemya at mabigyan din sila ng alternatibong mapagkakakitaan.

Katuwang naman ng DOST-CALABARZON ang Caritas Manila, Inc. sa pagpapatupad ng proyekto na may pamagat na “Employing Hydroponics and Vegetable Gardening Technologies to Alleviate COVID-19 Threats to Food Security in Selected Municipalities in Region IV-A” na may layong maisaayos ang tatlong umiiral na greenhouses sa Bukid Kabataan Center gamit ang hydrophonics technology ng CLSU bilang intensive vegetable gardening system.

Matutulungan rin ng nasabing proyekto na makapag-supply ng sariwang gulay sa mga kalapit na komunidad bilang tugon sa lumalalang problema sa kahirapan at seguridad sa pagkain.

Field-Test Kit para sa pag-detest ng Methanol Contamination sa mga Inuming Alak

Sunod na ibinida naman ay ang teknolohiyang bunga ng pakikipag-ugnayan ng DOST-CALABARZON sa CvSU upang matugunan ang takot na dulot ng naiulat na ilang kaso ng pagkahilo at kamatayan dahilan ng pag-inom ng Lambanog na mayroong mataas na lebel ng Methanol na nakaapekto sa maliliit na negosyo ng pagawaan ng alak.

Sa pangunguna nina Dr. Hosea Matel ng CvSu at DOST–Science Education Institute (DOST-SEI) Science Research Specialist Jon Uriel Layos, kasalukuyan nang dinidibelop ang field test kit para sa mga may-ari ng naturang negosyo. Bagama’t marami pang pagsusulit ang kailangang isagawa, ang mga prototype nadibelop ay nagpapakita ng malaking potensyal, dagdag pa na mura rin ang nasabing test kit.

Tissue Culture Growth Chamber para sa pagpaparami ng kape at makapuno

Ang kukumpleto sa listahan ng limang proyekto ay ang pag-pilot sa teknolohiya ng Tissue Culture Growth Chamber na bunga ng kolaborasyon ng DOST-CALABARZON, CvSU, at ng National Coffee Research, Development, and Extension Center na may layong makapagprodyus ng malusog na punla sa mas maikling oras.

Sa taglay nitong potensyal, ang naturang teknolohiya ay nakikitang magbubukas pa ng mas maraming oportunidad para sa mga pribadong organisasyon upang magtayo mapagkakakitaang mga tissue cultured laboratory at gawing mas mura pa ang embryo-cultured Makapuno o ECM) plants sa mga karaniwang magsasaka na makahihikayat sa kanilang lawakan pa ang taniman ng mga Makapuno sa bansa nang sa gayon ay maisulong ang industriya ng Makapuno sa bansa.

Sa kanyang mensahe, pinuri ni DOST Undersecretary for Regional Operations, Engr. Sancho A. Mabborang ang mga proyekto at inisyatibong nabanggit at sinabing minsan na rin niyang hinangad na magsilbi sa Region IV-A.

“I envied the strong collaboration with the R&D (Research and Development) Institutions, private sector organizations, and also the Local Government Units,” aniya.

Dagdag pa niya, nararapat na sundan at tularan ng iba pang mga rehiyon ang modelong ipinakikita ng DOST-CALABARZON.

Masaya naman si DOST Secretary Fortunato T. de la Peña sa mga proyektong inilunsad ng DOST-CALABARZON sa mga sektor na may kinalaman sa produksyon at seguridad sa pagkain hanggang sa produksyong agricultural, partikular na sa bagong Vacuum Freeze-Drying Facilities para sa CALABARZON Food Solutions Hubs (CFOSH).

Hinikayat din niya ang lahat na huwag limitahan ang sarili at mag-isip sa labas ng ‘comfort bubbles.’

“Our willpower in bringing Science closer to the people will never waiver as long as there is an opportunity to learn, to excel, and to transform,” pagtatapos niya. (Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kina Krizzia Mei C. Esperanza at Cesaree M. Caperare, DOST-IV A)

***

Maaaring mapanood ang replay ng pagbubukas ng DOST-CALABARZON 2021 RSTW  sa Facebook Live: https://fb.watch/8ISaGlMBy8/ at bisitahin ang birtwal na eksibit sa  https://events.dostcalabarzon.ph/?fbclid=IwAR2yxyLOV3J26q5b3v9uEdqD4PglJqzH_0jfnahSCBHjK3VClsizQd5tPwc.