MENU

Isang hands-free computer interface na may medical scanner, computer-monitored na wastewater filtering and management system, at isang smart assistant para sa mga may kapansanan sa paningin.

Ito ang mga nanguna sa maraming imbesyong inilahok ng mga kabataang Pinoy sa idinaos na ika-apat na taunang kompetisyon ng imake.wemake: create. innovate. collaborate.

Ang kumpetisyon na inorganisa ng Department of Science and Technology – Science Education Institute (DOST-SEI) at suportado ng Gokongwei Brothers Foundation (GBF) ay hinusgahan ng isang lupon ng inampalan na binubuo ng pawang mga batikang inhinyero mula sa nangungunang unibersidad sa bansa.

“This year’s entries highlight the brilliance and creativity of our young students,” ani DOST-SEI Director Josette T. Biyo. “It’s a feat made all the more impressive by the fact that they were able to create, innovate, and collaborate despite the pandemic.”

Ani naman ni GBF Executive Director Grace Colet, nakatutulong ang mga ganitong inisyatibo upang masiguro ang kalidad ng STEM professionals na makapag-aambag sa pag-unlad ng bansa sa hinaharap.

Mga wagi ng Youth Innovation Prize o YIP

Naiuwi ng Cavite Science Integrated School, Ramon Teves Pastor Memorial – Dumaguete Science High School, at Science and Technology Education Center ang Youth Innovation Prizes na naturang patimpalak.

Ang hands-free computer interface na may kakayanang mag-monitor ng kalusugan ng gumagamit nito ang nagpanalo sa koponan ng Cavite Science Integrated School na binubuo nina Jimuel Clarence Z. Malimban, John Kenneth V. Sanchez, at Aira Gayle Pugeda.

Ang naturang imbensyon ay nakatutulong na mabawasan ang panganib ng impeksyon na makukuha sa paghawak ng iba’t ibang bagay sa pamamagitan ng isang camera na may kakayanang i-interpret ang galaw ng gumagamit nito mula sa paggamit ng iba’t ibang kagamitan sa bahay hanggang sa mga ATM. Namo-monitor din nito ang vital signs at may kakayanang magpadala ng alert sa otoridad kung may mapansin itong kakaiba sa pangkaraniwan. Ang naturang proyekto ay may titulong “ABSCISSA: An Arduino-Based Smart Contactless Interface Integrated with Syndromic Surveillance and Alert System for Fomite-Mediated Transmission Mitigation.”

Isang kakaibang wastewater management system naman ang pambato ng koponan ng Ramon Teves Pastor Memorial – Dumaguete Science High School na binubuo nina Ericka Elaine Diputado, Anjeli L. Merecido, at Shauna E. Tifora.

Ang naturang system ay gumagamit ng mga buháy na halaman upang ma-filter ang mga mapanganib na kemikal sa tubig bago ito tuluyang mapunta sa mga kanal. Ang tubig ay dumadaan sa biofilter ng halamang Tangan-tangan (Ricinus communis) na natural na nakaka-absorb ng mapanganib na mga kemikal bago dumaan sa standard filter setup. Ang buong proseso pati na ang kalidad ng tubig ay mino-monitor ng mga computer-enabled sensor. Ang lahok ay may pamagat na “Project WWW: A Multifunctional Waste-Water Web for Agrobotics.”

Ang lahok naman ng Science and Technology Education Center – Cebu Senior High School ay isang smart assistant na nakatutulong sa mga may kapansanan sa paningin na malaman kung anong nasa paligid nila at mabasa ang mga salita sa mga kalapit na karatula tulad ng mga billboard at street sign.

Gawa nina Johann Emir G. Margallo, Kate Ashley P. Liao, at Ron Marc L. Cañete, hindi lang nito nalalaman kung anong mga bagay ang nasa paligid, kundi pati na rin ang distansya ng mga ito. Ang proyekto ay may pamagat na “Project BlindSpot: Arduino-Based Object Distance Measurement, Identification and Optical Character Recognition Using YOLO Algorithm.”

Bawat koponan ay nag-uwi ng P200,000 na premyo pati na isang tropeyo.

Mga Young Scientist Awardee at Iskolar

Iginawad rin ng Imake.Wemake ang GBF Young Scientist Award kina Jimuel Clarence Z. Malimban at John Kenneth V. Sanchez, parehong mula sa Cavite Science Integrated School; at kay Anjeli L. Merecido ng Ramon Teves Pastor Memorial – Dumaguete Science High School.

Ang naturang award ay iginagawad ng GBF sa mga finalist na nagpakita ng global competence sa pamamagitan ng kanilang imbensyon. Sila ay makatatanggap ng GBF STEM Scholarship for Excellence – isang conditional scholarship na may halagang P85,000 bawat academic year – na makatutulong sa kanilang kumuha ng alinmang STEM course na kanilang gusto sa kahit anong kolehiyo o unibersidad sa bansa. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-SEI)