MENU

Sa ika-anim na episode ng Agyamanak DOST! ay hinikayat ng mga iskolar-gradweyt ng Department of Science and Technology ang kabataang kalahok na pumasok sa mundo ng agrikultura.

Sa pangunguna ni Loida P. Pacursa, isang iskolar-gradweyt ng DOST-Science Education Institute (DOST-SEI) na ngayon ay Senior Agriculturist sa Department of Agricultural Regional Field Office I (DA RFO I), ay ipinakilala ang dalawang proyektong makatutulong na makahikayat sa mga mag-aaral na subukan ang karera sa sektor ng agrikultura.

Ang dalawang programang tinutukoy na pinangungunahan ng Department of Agriculture ay ang Mentoring and Attracting Youth in Agri-business o MAYA at ang Kapital Access for Young Agripreneurs o KAYA.

Ang MAYA ay isang mentorship program kung saan sa loob ng anim na buwan ay layuning makagpag-debelop ng kabataang may kakayahan, bihasa, at may kahandaan upang magtrabaho. Layunin din nito na makabuo ng matatag na manggagawa na may tamang pag-uugali sa kanilang pagtatrabahuhan, may sapat na karanasan, kasanayan, at kakayanang kinakailangan upang maisulong ang transpormasyon ng ekonomiya ng agrikultura sa bansa.

Sa pamamagitan rin ng program, makakakuha ng sapat na karanasan ang mga intern at makabubuo sila ng network sa larangan ng agrikultura at agri-business.

Samantala, ang KAYA naman ay isang loan facility para sa mga kwalipikadong young agripreneurs kung saan ang pagpapautang ay walang interes. Magagamit nila ito upang pondohan ang nakatayo na o itatayo pa lamang na farm o fishery business. Layunin ng KAYA na hikayatin ang mga nakababatang henerasyon ng mga Filipino na makilahok sa adhikain para sa food security ng Pilipinas, kung saan malaking papel ang ginagampanan ng mga magsasaka at mangingisda.

Hinikayat din ni Pacursa ang mga kabataan na nangangarap ring maging iskolar ng DOST.

“Sa mga nangangarap na maging scholar, ang kahirapan sa buhay ay hindi hadlang as pagkamit sa ating pangarap. Kaya kapag may mga opportunity especially mga scholarship na gaya ng binigay ng DOST, grab the opportunity and make the most out of it. At sa mga nagbabalak na mag-engage into agriculture, huwag kayong managamba dahil sa panahon ngayon, marami nang programs and projects ang DA na inooffer,” aniya.

Ibinida naman ni Stephenleigh A Guittap na isang ring DOST-SEI iskolar-gradweyt ang Kaya sa Pagkaka-ISAKA Project.

Ang naturang proyekto ay sa pagtutulungan ng DOST Scholars, Sangguniang Kabataan, Sangguninag Barangay, at mga asosasyon ng magsasaka na may layuning buhaying muli ang puso ng karamihan sa pagsasaka sa pamamagitan ng backyard gardening at community gardening, at sa pagbibigay-kakayahan sa mga magsasaka na gumamit ng iba’t ibang marketing strategy.

Tatalakayin rin sa naturang proyekto ang isyu sa waste management na may malaking epekto sa ating kapaligiran. Pinatutunayan nito na sa agrikultura ay walang maiiwan hangga’t may pagkakaisa. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula kay Jessa Kate G. Parrocha, DOST I)