MENU

Nakatanggap ang Provincial Local Government Unit ng Camiguin ng PhP 480,000 na pondo mula sa Department of Science and Technology (DOST) noong ika-3 ng Hunyo 2021 bilang suporta sa proyektong “Support to Clean Camiguin COVID-19 QR Code System and its Operation Center through the adoption of S-PaSS and other COVID-related Systems.”

Gagamitin ang pondo para sa pagkuha ng 50 mobile phones para sa pag-scan ng CleanCamiguinQR Codes at ng dalawang computer unit bilang software servers.

Ang CleanCamiguinQR ay ang opisyal na COVID-19 contact tracing software sa probinsya. Ito ay may kapasidad na mag-track hanggang sa third level close contact ng infected person. Bukod pa rito, ang CleanCamiguinQR ang magsisilbi ring software para sa pre-registration ng probinsya sa pagpapabakuna. Mayroon itong mekanismo upang magbigay ng update sa pre-registered na residente ng Camiguin para sa kanilang petsa at lugar ng kanilang pagpapabakuna sa pamamagitan ng SMS.

Samantala, ang S-PaSS ay isang travel management system na dinebelop naman ng DOST-Region VI, para sa pagbibiyahe ng mga Locally Stranded Individuals (LSIs), Returning Overseas Filipinos (ROFs), Emergency Travelers (ETs), and at iba pang biyahero ngayong pandemya.

Layunin ng S-PaSS na mapabilis at mapadali ang pagbibiyahe sa pamamagitan ng pagbibigay ng updated na impormasyon tungkol sa travel requirements ng mga munisipalidad katulad ng pagkuha ng QR code, barangay residency certification, travel order, at proof ng COVID-19 RT-PCR testing.

Gagamitin naman ang mga mobile phone at computer unit para sa CleanCamiguinQR at S-PaSS. Ii-install ang mga mobile phone sa piling tourist spot sa probinsya.

Personal namang nagpahatid ng pasasalamat si Camiguin Provincial Governor Jurdin Jesus M. Romualdo sa DOST Region X at Provincial Science and Technology Center-(PSTC) Camiguin dahil nakaabot pa rin sa kanilang probinsya ang mga teknolohiya at inisyatibo ng ahensya sa kabila ng pandemya. (Ni Jasmin Joyce P. Sevilla, DOST-STII at impormasyon mula kay Nice Nerjay Delada, PSTC-Camiguin)