MENU

Isinagawa ng Department of Science and Technology – Cordillera Administrative Region (DOST-CAR) ang Launching and Orientation para sa dalawang DOST Research and Development (R&D) Programs sa CAR noong ika-8 ng Hunyo 2021.

Layunin ng dalawang programa na makatulong sa pangangalaga ng kabundukan sa rehiyon sa gitna ng mga kalamidad at tiyakin ang sapat na suplay ng tubig at kahandaan sa pagsapit ng masasamang panahon at pagbabago ng klima sa mga komunidad sa kabundukan ng Cordillera.

Ang unang programa na tinawag na, “Program Boondock: A Mountain Engineering Center Towards Sustainable Infrastructure and Upland Water Security”, ay nabuo sa pagtutulungan ng DOST-CAR katuwang ang University of the Cordilleras (UC), Kalinga State University (KSU), Saint Louis University (SLU), at ang Watershed and Water Resources Research, Development and Extension Center (WWRRDEC) – isa sa mga Research Centers ng Department of Environment and Natural Resources – Ecosystems Research and Development Bureau (DENR-ERDB).

Ang Program Boondock na pinondohan ng DOST Science for Change Program (S4CP) Niche Centers in the Regions (NICER) para sa R&D ay inaasahang makapagsasalba ng aabot sa halagang isang bilyong piso ng maaaring maging pinsala sa mga imprastraktura bunsod ng pagguho ng lupa at matinding pagbaha sa loob ng tatlo hanggang limang taon at makapagliligtas din ng maraming buhay.

Ang R&D center na ito, na pangalawang programa ng NICER sa CAR (ang una ay ang Potato Research and Development Center ng Benguet State University noong 2019), ay magkakaroon ng kabuuang pondo na Php62-M at target na taasan ang produksyon sa agrikultura ng 20% at magbigay ng sustenableng mapagkukunan ng tubig.

Mula noong 2017, 35 NICER na ang naitatag sa 17 rehiyon sa buong bansa, na nagkakahalaga ng Php1.7-B, na ginawa upang suportahan ang mga hakbangin sa R&D ng bansa.

Inaasahan naman sa ikalawang programa na, “Ensuring Water Security and Climate-Resilience for Mountain Indigenous Communities of the Cordillera through Technology-enhanced Decision Support Tools” na makapaghahatid ito ng malinis, ligtas at sapat na suplay ng tubig sa mga komunidad sa kabundukan lalo sa panahon ng tagtuyot.

Ang programa ring ito na pinondohan naman ng DOST – National Research Council of the Philippines (NRCP) at naisakatuparan sa pagtutulungan ng DOST-CAR, Mountain Province State Polytechnic College (MPSPC) at University of Cordilleras (UC) ang magbibigay ng mga kinakailangang datos at impormasyon upang suportahan ang mga hakbang para sa pag-unlad at pagpapaganda ng mapagkukunan ng suplay ng tubig na kayang manatili sa kabila ng pabago-bagong klima para sa pangangalaga ng mga ilog at watershed ng Cordilleras.

Sa pamamagitan ng dalawang programa, inaasahan na malaki ang maitutulong nito sa pagtugon ng R&D sa mga natural na kalamidad sa rehiyon at maraming mapoprotektahang buhay, kabuhayan at likas yaman sa Cordillera.

Samantala, kasabay ng launching ay nagkaroon din ng press conference kasama ang Philippine Information Agency (PIA-CAR) at mga local media na dinaluhan ng mga stakeholders ng parehong programa kabilang ang academe, line agencies at local government units (LGUs): provincial government units nang Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province; at municipal government units ng Sallapadan, Abra; Itogon, Tuba, Tublay at La Trinidad, Benguet; Baguio City; Banaue, Ifugao; Tabuk City at Tinglayan, Kalinga; at ang Bontoc at Bauko, Mountain Province. (Impormasyon mula kay Christian Robert Sandoval, DOST-CAR)