MENU

AMCEN_DAVAO.png

Makabagong teknolohiyang pang-manupaktura para sa mga industriya at mananaliksik sa rehiyon ng Davao ang hatid ng Department of Science and Technology o DOST.

Ito ay sa pagbubukas ng Advanced Manufacturing Center o AMCen sa rehiyon ng Davao, na kauna-unahang pasilidad ng ganitong uri sa rehiyon na matatagpuan sa Sentro Mindanaw, Mintal, Davao City.

Pinangunahan nina DOST Secretary Dr. Renato U. Solidum Jr., DOST Undersecretary for Regional Operations Sancho Mabborang, DOST-MIRDC Executive Director Engr. Robert Dizon, at DOST-11 Regional Director Dr. Anthony C. Sales ang paglulunsad na nagpapakita ng pagsisikap ng DOST na palakasin ang innovation ecosystem ng rehiyon.

Ayon kay Dr. Sales, simbolo ang pasilidad ng patuloy na pangako ng DOST na pagkilala at pagpapaunlad ng talento, suporta para sa pananaliksik, at pagbibigay-lakas sa mga industriya habang lumilikha ng mga bagong oportunidad para sa mga komunidad.

Dinisenyo ang naturang pasilidad upang itaguyod ang teknikal na kahandaan, business sophistication, at innovation capability ng bansa sa pamamagitan ng additive manufacturing (AM) o 3D printing na isa sa mga pinakamabilis na umuunlad na teknolohiya sa buong mundo.

Ang AM ay isa sa mga teknolohiyang isinusulong ng DOST-Metals Industry Research and Development Center (DOST-MIRDC) sa pamamagitan ng AMCen.

Sa tulong ng AMCen, mas magkakaroon ng kakayahan ang mga lokal na innovator at negosyo na magdisensyo ng prototypes, pagandahin ang mga proseso ng produksyon, at lumikha ng mga produktong naaayon sa pangangailangan ng makabagon industriya.

Ayon kay DOST-MIRDC Executive Director Engr. Robert O. Dizon, magsisilbing mahalagang plataporma ang pasilidad para sa mas pinaigting na kolaborasyon ng pamahalaan, akademya, at industriya. Idinagdag rin niya na makatutulong ang AMCen-Davao sa mga lokal na nagmamanupaktura upang makagamit ng makabagong teknolohiya, mapabilis ang proseso ng pananaliksik, at mapalakas ang papel ng rehiyon sa innovation ecosystem ng bansa.

Dagdag pa rito, binigyang-diin din ng Davao City Councilor for Science and Technology Atty. Antoinette G. Principe ang kahalagahan ng pinagsama-samang suporta ng iba’t ibang sektor upang lubos na mapakinabangan ang potensyal ng sentro.

Bilang kauna-unahang AM facility sa Davao, ipinoposisyon ng AMCen-Davao ang rehiyon bilang isang sentro para sa teknolohikal na pag-unlad at industrial competitiveness na magbubukas ng daan para sa mas inklusibo at napananatiling kaunlaran sa Mindanao. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII)