
Pormal na inilunsad kamakailan ng Department of Science and Technology (DOST) ang Php 2.9-milyong halaga ng pinaunlad na pasilidad ng pottery kiln na ipinagkaloob sa Barangay Pahanocoy sa lungsod ng Bacolod.
Layon nitong paunlarin ang kabuhayan ng mga lokal na manggagawa ng paso habang tinutugunan ang mga isyung pangkapaligiran na dulot ng tradisyunal na pamamaraan ng paggawa ng mga paso.
Ang pagbibigay ng upgraded pottery kiln facility na ito ay makatutulong upang mabawasan ang polusyon sa hangin, panganib sa kalusugan, at masamang epekto ng usok sa mga pampublikong kalsada ng lugar, na ilang ulit nang inireklamo ng mga residente, kabilang ang mga manggagawa mismo nito. Sa pamamagitan nito, magpapatuloy ang mga lokal na manggagawa ng paso nang hindi nababahala sa mga abalang dulot ng mga problemang pangkalusugan o pangkapaligiran.
Ang proyekto, na ipinatupad sa pamamagitan ng Grants-in-Aid program ng DOST, ay naisakatuparan katuwang ang lokal na pamahalaan ng Barangay Pahanocoy bilang implementing agency, ang pamahalaang Lungsod ng Bacolod bilang cooperating agency, at bilang ang benepisyaryo, ang Katilingban sang Mininihon nang Pahanocoy (KAMIPA) na isang komunidad ng mga potter na kasalukuyang may 29 na miyembro na dekada nang nagsasagawa ng tradisyunal na pagpapalayok.
Itinatampok ng pasilidad ang isang 2-cubic-meter gas-type kiln na may kapasidad na mag-imbak ng hanggang 130 paso, depende sa laki. Pinapalitan nito ang tradisyunal na open-fire pottery method na nagdudulot noon ng makapal na usok at polusyon sa hangin sa lugar. Ang pasilidad ay ginawa ng RU Foundry and Machine Corporation.
“Malaki ang naitulong ng kiln na ‘to sa amin dito sa Barangay Pahanocoy kasi naranasan namin na zero visibility yung daan namin dahil sa usok,” pagbabahagi ng punong barangay ng Pahanocoy na si Yolanda Noble. “Sa ngayon, nag-try na kami nito at maraming salamat sa DOST, kay sir Ramon Uy na natulungan yung pottery makers namin dito. Dahil dito, may plano pa kami na i-level up yung production ng pots dito sa Barangay Pahanocoy. Maraming salamat po, sir.”
Pinuri rin ni DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. ang inobasyon at potensyal ng proyekto, na sinabing maganda ang kalidad ng mga paso na ginagawa gamit ang upgraded kiln facility. Nagmungkahi rin siya na gamitin ang pasilidad upang gumawa ng bricks para sa mga fishpond at salt pond.
Binigyang-diin din ni Secretary Solidum na ang DOST ay nagbigay lamang ng Php 2,972,916 halaga ng pottery kiln facilities, ngunit ang pagpapatayo ng covered facility na gagamitin ay mula sa lokal na pamahalaan ng Pahanocoy.
Idinagdag naman ni DOST Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho A. Mabborang na ang kiln ay LPG-fired kaya nakalilikha ito ng malilinis na paso.
Samantala, ipinaliwanag ni DOST-6 Regional Director Engr. Rowen Gelonga ang mga bentahe ng upgraded pottery kiln at kung paano ito naiiba sa tradisyunal na open-fire technique.
“Ideally, you can operate three times a day, three firings a day ‘to for eight hours—four hours for firing, four hours for cooling. Once it’s cooled down, you can cook another set of pots. You can maximize this [kiln] by having three firings a day,” aniya.
“Yung dati nilang technique hanggang 300°C to 400°C lang, hindi pa naaabot ng pots yung tinatawag na calcination point na namo-modify yung structure ng clay... Pag naabot mo ‘yon, quality talaga siya. Yung advantage nito [ng kiln], dahil more than 1000°C siya, they can produce other better-quality products, depending on the materials we can source,” dagdag pa niya.
Ang upgrading ng Terracotta Pottery Industry sa Barangay Pahanocoy ay inilunsad kasabay ng pagbubukas ng Handa Pilipinas Visayas Leg sa SMX Convention Center sa lungsod ng Bacolod, na dinaluhan ng mga pambansa at lokal na opisyal ng gobyerno, technology partners, at mga benepisyaryo ng komunidad.
Kabilang sa mga dumalo sa paglulunsad sina Sec. Solidum, Usec. Sancho A. Mabborang, DOST Negros Island Region Officer-in-Charge Gelonga, Provincial Science and Technology Office Director Engr. Allan Francis Daraug, RU Foundry and Machine Shop Corporation Founder Don Ramon Uy Sr., at iba pang mga opisyal ng Barangay Pahanocoy. Dumalo rin si Mr. Jonathan Diaz, executive assistant ni Mayor Greg Gasataya.
Hindi lamang pinapaganda ng bagong-upgrade na kiln ang kalidad at pagkakapare-pareho ng mga produktong paso at palayok, binabawasan din nito ang polusyon sa hangin at panganib sa kalusugan mula sa tradisyunal na open-firing techniques.
Sinusuportahan ng inisyatibang ito ang layunin ng DOST na bigyang-lakas ang mga komunidad sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, at inobasyon habang pinapangalagaan ang lokal na sining.
Sa proyektong ito, mas napaghahandaan na ng mga lokal na manggagawa ng paso ng Barangay Pahanocoy ang pag-unlad ng kanilang produksyon, proteksiyon ng kanilang kapaligiran, at pagpapanatili ng kanilang mayamang pamanang kultural para sa mga susunod na henerasyon. (Ni Abigael S. Omaña, DOST-STII)











21 in 2021 Technology Catalogue
DOST Innovations - Web and Mobile Applications for Disaster Risk Reduction and Management