MENU

BJMPD.png

Kinilala ng Department of Science and Technology (DOST) ang Bureau of Jail and Penology Management (BJMP) Male Dormitory ng General Santos City bilang ‘Best CEST Community’ ngayong taon para sa matagumpay na pag implementa ng mga solusyong base sa agham at teknolohiya.

Ito ay upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga persons deprived of liberty o PDL community.

Iginawad ang parangal bilang bahagi ng National Science, Technology and Innovation Week (NSTW) 2025 na ginanap sa Laoag City, Ilocos Norte noong Nobyembre 19, 2025.

Sa pag-asang makabuo ng isang inklusibong komunidad para sa mga PDL, sinabi ni dating warden at Jail Chief Inspector Lucky Mer P. Natuel na nakipagtulungan sila sa DOST sa pamamagitan ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) program nito upang matugunan ang ilang mga suliranin sa piitan.

“Kulang sa kagamitan, hindi ligtas na tubig, at limitadong pagkakataon at edukasyon. So, wala po kaming source po ng potable water. And then, through the partnership formed between BJMP and DOST, a partnership made from heaven po talaga, a noble partnership, we witnessed something truly human lives slowly reclaiming dignity,” saad ni Natuel.

Ayon kay Natuel, sa pamamagitan ng CEST program, at pakikipagtulungan sa DOST-Region 12, ang BJMP General Santos City Jail ay nakapagbigay ng ginhawa para sa mahigit 600 PDLs sa pamamagitan ng edukasyon, mga oportunidad sa kabuhayan, at malinis na sistema ng tubig.

Ang programang CEST ay isang inisyatiba ng DOST na gumagamit ng agham at teknolohiya para tulungan ang mga komunidad na kulang sa serbisyo sa bansa.

Sa layuning makapagbigay ng kabuhayan at maibsan ang kahirapan sa malalayong komunidad, ang programa ay nakatuon sa pagbibigay tulong sa ibat’t-ibang sektor sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga solusyong nakabatay sa teknolohiya upang mapabuti ang kabuhayan, kalusugan, kalinisan, katatagan sa kalamidad, at edukasyon.

Sinimulan ng DOST ang pagkilala sa ‘Best CEST Community’ noong 2020 bilang bahagi ng pagdiriwang ng NSTW.

Layunin ng parangal na kilalanin ang mga community CEST adopters na matagumpay na nagpatupad ng mga proyekto ng CEST sa kanilang mga komunidad at nagpabuti ng kalidad ng buhay ng mga tao nito sa pamamagitan ng agham at teknolohiya.

Bilang grand champion ngayong taon para sa 'Best CEST Community', ang General Santos City Jail ay nakatanggap ng grand prize na P500,000, plake ng pagkilala at P30,000 bilang gantimpala sa kanilang Special Award in Sustainable Energy. (Ni Claire Bernadette A. Mondares, DOST-STII)