MENU

adadad.png

Inianunsyo ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga kauna-unahang kampeon ng 2025 Philippine Smart and Sustainable Communities Award (PSSCA) sa pagtatapos ng National Science, Technology, and Innovation Week (NSTW), sa Laoag City, Ilocos Norte nong ika-21 ng Nobyembre.

Ang parangal na ito ay upang kilalanin ang pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan o LGU sa pagpapaunlad ng kanilang mga komunidad at pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga mamamayan nito sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, at inobasyon.

Ang mga natanggap na entry ay iniangkop sa apat na kategorya katulad ng Human Well-being, Wealth Creation, Wealth Protection, at Sustainability.

Kinikilala ng Human Well-being Award ang mga LGU na gumamit ng mga solusyon upang matiyak ang kalusugan at nutrisyon, kaligtasan at seguridad sa pagkain, akses sa malinis na tubig, damit, tirahan, at mahusay na sistema ng transportasyon sa kanilang lugar.

Ang Wealth Creation Award naman ay isang pagkilala para sa mga LGU na matagumpay na napalago ang ekonomiya sa pamamagitan ng paggamit ng mga solusyon upang lumikha ng mga produkto, serbisyo, at iba pang mga solusyon na may halaga tungo sa pambansa at rehiyonal na pag-unlad.

Para naman sa Wealth Protection Award, ito ay iginawad sa mga LGU na gumamit ng solusyon na nakatuon sa pagpapahusay ng katatagan sa pamamagitan ng mga teknolohiyang umaangkop sa klima at paghahanda sa kalamidad.

Panghuli, ang mga LGU na nagpapalaganap ng ‘environment stewardship’ at ‘climate-resilient community’ ay binigyan naman ng Sustainability Award.

Matapos ang masusing pagsusuri sa mga entri na natanggap ng DOST, nasungkit ng Baguio City ang kampeonato sa Wealth Protection Award, Wealth Creation Award at Sustainability Award.

“We are very thankful to DOST for recognizing the efforts and initiatives of the City Government of Baguio in awarding us the several champions of Smart City Components. This will be a big boost for us in trying to gain more and achieve more in terms of sustainability and smart city programs,” saad ni Baguio City Administrator Vittorio Jerico ‘VJ’ Cawis.

Samantala, wagi naman ang Carmona City sa Cavite sa paghahatid ng One Digitized Carmona: Building Smart, Inclusive, and Substantiable Communities Through Data-Driven Governance program. Ito ay nasa ilalim ng kategoryang Human Well-being Award.

Ayon kay DOST-Cordillera Administrative Region (CAR) Regional Director Nancy A. Bantog, ang mga entri ay nasuri batay sa antas ng maturity o kahandaan ng mga teknolohiyang ipinatupad at ipinakalat sa mga lungsod.

Projects are evaluated according to their level of readiness and maturity in implementation. This is to ensure that LGUs at different stages of progress are given equal opportunity to be recognized,” aniya.

Ang mga waging entri ay nakatanggap ng plaque of recognition at P500,000 halaga ng project fund. (Ni Claire Bernadette A. Mondares, DOST-STII)