MENU

RYPIC.png

Magbubukas na sa darating na Nobyembre 20, 2025 ang kauna-unahang Regional Yarn Production and Innovation Center (RYPIC) sa rehiyon ng Iloko, kasabay ng pagdiriwang ng 2025 National Science, Technology, and Innovation Week o NSTW.

Ito ay sa bisa ng memorandum of agreement na nilagdaan kamakailan sa pagitan ng Department of Science and Technology (DOST) Ilocos Region, DOST-Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI), pamahalaang probinsyal ng Ilocos Norte, at ng lokal na pamahalaan ng Vintar, Ilocos Norte para sa pagtatayo ng naturang center.

Pinangunahan nina Provincial Governor Cecilia Araneta Marcos, DOST-PTRI Director Julius L. Leaño, Jr., DOST Ilocos Region Director Teresita A. Tabaog, at Mayor Richard A. Degala ng Vintar, Ilocos Norte ang paglagda sa memorandum of agreement.

Layunin ng ikatlong RYPIC sa bansa, kasunod ng pagbubukas ng kaparehong center sa Miagao, Iloilo at Ilagan, Isabela, na palakasin ang lokal na industriya ng tekstil at paghahabi sa pamamagitan ng paggamit ng katutubong likas na hibla at pagsasama ng napapanatili at maka-agham na teknolohiya sa produksyon ng mga tela.

Inaasahang mas marami pang oportunidad ang maibibigay nito sa mga magsasaka, manlilikha, at negosyanteng lalahok sa mga value-adding na mga gawaing pang-tekstil, lalo na at magiging sentro ito ng pananaliksik, pagpapaunlad, inobasyon, at produksyon ng mga sinulid.

Sa pagbubukas ng RYPIC-Ilocos Norte, maipapakita nito ang lumalagong innovation ecosystem sa rehiyon at mapagtitibay ang pangako ng lalawigan na masuportahan ang lokal na sining at paggawa, likas-kayang kabuhayan, at circular textile economies na pinalalakas ng agham at teknolohiya. (Ni Rosemarie C. Señora, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-1)