Naniniwala si Secretary Renato U. Solidum Jr. ng Department of Science and Technology (DOST) na hindi sapat para sa sektor ng metal at pag-iinhinyero na basta na lamang makibagay sa takbo ng panahon—kailangang umunlad ito sa pamamagitan ng digital transformation, lalo na sa isang mundong pinangungunahan ng inobasyon para sa patuloy na pag-iral at pag-unlad.
Sa isang recorded na mensahe para sa Metals and Engineering (M&E) Forum na ginanap noong Hunyo 20, 2025 sa Acacia Hotel, Muntinlupa City, binigyang-diin ni Secretary Solidum na hindi na opsyonal ang digitalization kundi isa nang pangunahing pangangailangan upang manatiling nakikipagtunggali ang mga lokal na industriya sa pabago-bagong pandaigdigang merkado.
“How are developed countries creating their products? How is manufacturing done in innovative countries? How are businesses ensuring customer satisfaction? Let us take time to observe how others are doing it, because these changing landscapes are affecting and influencing us—whether we like it or not,” ayon kay Solidum.
(Paano gumagawa ng produkto ang mga mauunlad na bansa? Paano isinasagawa ang manufacturing sa mga bansang inobatibo? Paano tinitiyak ng mga negosyo ang customer satisfaction? Pagmasdan natin kung paano nila ginagawa ito, dahil ang mga pagbabagong ito ay may epekto sa atin—gusto man natin o hindi.)
Binigyang-diin din niya na ang digital transformation ay isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng negosyo at ekonomiya sa buong mundo, kabilang na ang Pilipinas.
“Coping, learning, and remaining productive and competitive are not for the passive or indecisive,” dagdag pa niya.
(Ang pag-angkop, pagkatuto, at pananatiling produktibo at pakikipagtunggali ay hindi para sa mga tahimik o nag-aatubili).
Ibinahagi rin ni Kalihim Solidum kung paano nakikipagtulungan ang DOST, sa pamamagitan ng Metals Industry Research and Development Center (MIRDC), sa sektor ng metals, engineering, at mga kaugnay na industriya upang ipatupad ang mga programang may konkretong benepisyong panlipunan at pangkabuhayan para sa mga Pilipino.
Kabilang sa mga nabanggit niyang pangunahing pasilidad ay ang:
- Advanced Manufacturing Center (AMCen);
- Advanced Mechatronics, Robotics, and Industrial Automation Laboratory (AMERIAL);
- Mold Technology Support Center (MTSC); at
- Metals and Engineering Innovation Center (MEIC)
Ang AMCen ay may makabagong teknolohiya sa 3D printing na kayang gumawa ng bahagi gamit ang plastik, luwad, konkretong materyales, photocurable polymers at ceramics, at metal. Dahil dito, posible na ang paggawa ng mas magaan at mas komplikadong bahagi na kung sa tradisyonal na paraan ay magastos at mahirap gawin.
Ito rin ang nangunguna sa digital fabrication gamit ang computer-aided design (CAD) at digital slicing tools—na nagpapabilis at nagpapamura ng pagdisenyo hanggang produksyon ng mga prototype.
Samantala, ang AMERIAL ay sumusuporta sa mas malawak na hanay ng industriya sa pamamagitan ng pagsasanay, simulation, at pananaliksik gamit ang mga kagamitang gaya ng smart factory, 6-axis robotic arm, at mga programmable logic controllers. Layunin nito ang pagsasakatuparan ng Industry 4.0 para mapataas ang produktibidad at awtomasyon ng mga lokal na pabrika.
Ang MTSC naman ay nakatuon sa pagpapalakas ng industriya ng mold-making sa bansa. Gamit ang CAE/CAM software, mas pinipino ang disenyo ng mga hulma at binabawasan ang error, kaya mas maiksi ang lead time at mas mataas ang kalidad ng mga produkto. May pagsasanay din ito para sa mga gumagawa ng molde sa paggamit ng digital tools.
Hindi rin nagpahuli ang MEIC, isang network ng 15 research and development hubs sa mga state universities and colleges sa bansa na nagsisilbing regional centers para sa pagbuo ng mga makina sa agrikultura, kagamitan sa hibla, at mga teknolohiyang pang-disaster mitigation. Bukod sa suporta sa applied research at prototyping, nagsisilbi rin itong praktikan ng mga estudyanteng inhenyero.
“There is nothing simple about trying to cope with rapidly changing customer requirements. There is nothing simple about maintaining relevance and competitiveness. Staying abreast of what’s happening—whether in your community, municipality, or globally—requires investment,” ani Kalihim Solidum.
(Walang simpleng paraan para makasabay sa mabilis na pagbabago ng pangangailangan ng mga mamimili. Walang simpleng paraan para manatiling relevant at nakikipagtunggali. Ang pagiging updated sa mga nangyayari—sa inyong komunidad man o sa buong mundo—ay nangangailangan ng pamumuhunan.)
Samantala, bilang bahagi ng Metals and Engineering Industry Forum 2025, ibinahagi ng mga pinuno mula sa sektor ng manufacturing sa National Capital Region ang kanilang mga pananaw sa sesyong pinamagatang “Technology Upgrading Journey: Perspective of Manufacturing Companies in the NCR.”
Ipinunto ni Francis Kevin C. Atienza ng Amantech Corp. ang kahalagahan ng automation at control systems para sa mas mahusay at episyenteng produksyon. Tinalakay naman ni Jenny L. America ng Solid Steel Machinery and Tools Inc. ang integrasyon ng smart machines at ang suporta sa mga lokal na suplayer upang magtagumpay sa digital age. Samantala, ibinahagi ni Michael Ang, Presidente ng Tiger Machinery & Industrial Corporation, ang kanilang adhikain sa paggamit ng Industry 4.0 technologies at paghahanda sa kanilang manggagawa para sa hinaharap.