Matagumpay na inilunsad ng Department of Science and Technology (DOST) ang ikalawa sa ganitong uri ng pasilidad sa buong Pilipinas na Integrated Mango Post-Harvest Facility sa Brgy. Milan, Sibunag, Guimaras.
Naunang pinasinayaan sa Davao City, ang inobasyong ito ang inobasyong ito ay isang malaking hakbang sa pagpapalakas ng kapasidad ng probinsya na makamit ang international export standards sa pamamagitan ng improved post-harvest handling at disease control, boosting productivity, at pagpapabuti ng export quality ng Manggang Guimaras.
Ang DOST-Guimaras, sa pamamagitan ng Community Empowerment through Science and Technology o CEST Program, ay patuloy na sumusuporta sa industriya ng mangga sa Guimaras sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga solusyong maka-agham sa mga problemang kinakaharap ng mga mango growers at producers.
Naisakatuparan ang inisyatibong ito dahil sa maayos na relasyon at kolaborasyon ng DOST-Guimaras, pamahalaang panlalawigan ng Guimaras, munisipalidad ng Sibunag, Guimaras Mango Growers and Producers Development Cooperative (GMGPDC), mga institusyong pang-akademiko, mga pribadong organisasyon, at mga komunidad na nagtatanim ng mangga.
Ang pagbubukas ng naturang Mango Post-Harvest Facility ay pinalakas pa sa tulong ng University of Southeastern Philippines bilang technology generator at certifying body, na sumigurong ang interbasyon ay may kredibilidad, sustenable, at sasagot sa pangangailangan ng komunidad.
Ipinapakita ng multi-stakeholder approach na ito, na sa siyensya, teknolohiya, at inobasyon at pakikipagtulungan sa mga local stakeholders ay kayang magpalakas ng pagiging produktibo at pakikipagkumpitensya ng agrikultura.
Ang pasilidad ay magdadala ng malaking pagbabago sa post-harvest handling ng manggang Guimaras.
Sa paggamot ng mga common fruit diseases katulad ng anthracnose at stem-end rot, mapapahaba ang shelf life o buhay ng mangga na isa sa mga pangunahing basehan sa pag-eexport.
Dagdag pa rito, mababawasan ng de-makinang proseso ang fruit mishandling upang mapanatili ang mataas na kalidad ng mangga mula sa pag-ani hanggang sa dumating ito sa merkado.
Ipinakilala din ng proyekto ang Mango Power Y-Sprayer Nozzle na nagpapaganda ng spraying efficiency at ang V-Sigpao Mango Mechanical Fruit Picker na idinisenyo naman upang mabawasan ang latex stain o mantsa ng mga bunga dulot ng dagta kapag inani pati na rin ang kabuuang oras ng pag-ani.
Dinaluhan ng mga kawani mula sa DOST-Guimaras, Provincial Office of Agricultural Services ng probinsya ng Guimaras, Sibunag Local Government Unit, at ng board of directors at miyembro ng GMGPDC ang paglulunsad na nagpakita ng matibay na kolaborasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at ng lokal na pamayanan ng pagsasaka.
Ang inisyatibong ito ay hindi lamang nagpapakilala ng inobasyon kundi nagpapakita rin ng malaking hakbang sa gawing makabago ang industriya ng mangga sa Guimaras na nagpapatunay na uunlad ang kabuhayan, katatagan, at ang pakikipagkumpitensya sa pandaigdigang merkado sa tulong ng siyensya at teknolohiya.