A group of people in a room

AI-generated content may be incorrect.

Sina Dr. Jose Wendell P. Capili, member-at-large ng NRCP Governing Board at regular member ng Division XI-Humanities; Allyster A. Endozo, managing editor of the Philippine Journal of Science; at Dr. Jose Isagani B. Janairo, editor-in-chief ng NRCP Research Journal sa ginanap na NRCP Research Journal 2nd Editors Forum sa Acacia Hotel Alabang noong ika-21 ng Mayo 2025.

Sa ikalawang pagkakataon, inilunsad ng Department of Science and Technology-National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP) ang NRCP Research Journal 2nd Editors Forum noong ika-21 ng Mayo 2025 sa Acacia Hotel Alabang, Muntinlupa City.

Bagaman bumaba ang bilang ng nailimbag na pananaliksik noong 2022, tumaas ng 17.21% ang kabuuang bilang ng mga artikulo sa journal na pang-agham at teknikal mula 2019 hanggang 2022, ayon sa ulat ng Knoema.

Upang lubos na mapakinabangan ang paglago ng industriya ng pananaliksik, nagtipon-tipon ang mga patnugot, mananaliksik, at katambal na mga institusyon na may layuning palakasin ang salinan ng kaalaman at pagkukunan at makabuo ng limang taong development plan para sa NRCP Research Journal upang mapataas ang antas ng paglimbag gayundin ang integridad ng mga pag-aaral sa bansa.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Dr. Ma. Louise Antonette N. De Las Peñas, presidente ng NRCP ang etikal na polisiya sa paggamit ng artifficial intelligence o AI sa proseso ng pananaliksik. 

IMG_256

Si Dr. Ma. Louise Antonette N. De las Peñas, presidente ng NRCP habang nagbibigay ng pahayag ukol sa paggamit ng artificial intelligence o AI sa proseso ng pananaliksik.

“Kinikilala ng NRCP ang paggamit ng AI sa pagpapabuti ng iskolar na komunikasyon at diskurso. Ngunit dapat ideklara ng mga may-akda ang ginamit na mga AI sa paghahanda ng manuskrito at tahasang isaad na nasuri na nila ang katumpakan ng nabuong impormasyon,” saad ni Dr. De Las Peñas.

Ang unang bahagi ng programa ay nakatuon sa dalawang tagapagsalita na sina Allyster A. Endozo na managing editor ng Philippine Journal of Science (PJS) na isang multi-disciplinary peer review journal ng Department of Science and Technology-Science and Technology Information Institute (DOST-STII) at Dr. Vincenz Serrano na editor-in-chief ng Kritika Kultura, ang online journal ng Ateneo de Manila University para sa panitikan, lengwahe, at kultura.

Kanilang ibinahagi ang pinakamahusay na pagsasanay sa pagpapatakbo ng mga proseso sa editoryal, mga inobasyon, karanasan sa pagkamit ng global indexing, mga kinakaharap na suliranin, at plano tungo sa pagkamit ng pandaigdigang bisibilidad.

Ayon kay Endozo, nakatulong sa paglago ng kanilang tanggapan ang pagkakabilang nito sa pang-internasyunal na citation database at metrics providers gaya ng Scopus, Web of Science (WoS), at ASEAN Citation index. 

Napag-alaman sa resulta ng porum na mas naeenganyong magpalimbag ng mga pag-aaral ang mga kalahok na mananaliksik sa mga journal na may direktoryo, metriko, at impact factor dahil mas mataas ang puntos para sa promosyon ang ibinibigay ng mga unibersidad.

Isa rin sa mga ibinahaging solusyon ang pagsuporta sa Commission on Higher Education (CHED) Circular Memorandum Order 15 Series 2019. Ito ay umuobliga sa lahat ng nagtapos na mga mag-aaral sa kolehiyo na magpalimbag bago sila maging karapat-dapat para sa pagtatapos. Ang NRCP Research Journal ay maaaring makatulong sa mga mag-aaral sa paglalathala ng kanilang mga research paper

A group of people sitting around a round table

AI-generated content may be incorrect.

Samantala, nakakaapekto rin ang tila mabagal na proseso sa paglimbag sa mga Journal na nakabase sa Pilipinas base sa karanasan ng mga kalahok. Dahil dito, iminungkahi ang pagkakaroon ng sistema ng pagtutulungan para sa palitan ng mga teknikal na serbisyo na nakatuon sa ebalwasyon ng mga manuskrito. 

Kabilang sa mga mungkahi ay pagsasagawa ng mga webinars upang ipahayag ang serbisyo ng NRCP Research Journal sa mga estudyante, pagkakaroon ng espesyal na isyu sa Physics at ASEAN Science, pagkilala sa mga rebyuwer at patnugot, pagbuo ng komunidad at porum, at maging ang promosyon ng mga research sa pamamagitan ng pagsusulat ng balita o iba pang content tungkol sa kahalagahan ng mga ito sa lipunan upang mahimok ang loob at interes ng mga kabataan. (Isinulat ni Caryl Maria Minette I. Ulay, DOST-STII)