Proyekto para sa pagpapabuti ng nutrisyon at kalusugan ng mga kabataan, buntis, at nagpapasusong ina sa Bayan ng Kinoguitan sa Misamis Oriental ang isinasagawa ngayon ng Department of Science and Technology – Misamis Oriental katuwang ang lokal na pamahalaan ng naturang lungsod.

Sa pamamagitan ng Community Empowerment thru Science and Technology (CEST) program ng DOST, ay nagkaloob ng pondong pamproyekto ang ahensya na nagkakahalaga ng halos PhP 440,000 sa Lokal na Pamahalaan ng Kinoguitan na gagamitin sa pagbili ng mga binuong food technologies ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI) para maibsan ang malnutrisyon sa lugar.

Tatlumpu’t pitong malnourished o kulang sa tamang nutrisyon na mga bata na nasa edad anim hanggang 59 na buwan, 84 buntis na kababaihan, at 110 nagpapasusong ina ang makatatanggap ng food technologies para sa tiyak na bilang ng araw.

Ang mga batang nasa edad anim hanggang 23 buwan ay kukunsumo ng BIGMO Rice-Mongo Sesame Blend sa loob ng 120 araw, habang ang batang nasa edad 24 hanggang 59 buwan naman ay kakain ng BIGMO Rice-Mongo Curls sa loob ng 30 araw at Enhanced Nutribuns sa loob ng 60 araw.

Upang maibsan ang malnutrisyon, maagang panganganak, mababang timbang ng sanggol, at pagkamatay ng ina dahil sa Iron-Deficiency Anemia (IDA), ang bawat buntis at nagpapasusong kababaihan ay tatanggap ng 15 kilong Iron-Fortified Rice sa loob ng 90 araw.

Bago simulan ang gagawing supplementary feeding, ang mga Barangay Nutrition Scholars at mga magulang/tagapag-alaga ng mga batang malnourished ay sasailalim sa pagsasanay ng DOST PINOY (Package for the Improvement of Nutrition of Young Children) na bubuuin ng mga nutrition interventions sa loob ng tatlong araw.

Kasama rin sa pagsasanay ang pagbibigay ng module tungkol sa mahalagang nutrisyon, pagpapasuso, pagpaplano at pagdadagdag sa pagkain o supplementary feeding, ligtas na paghahanda at pag-iingat ng pagkain, at paghahalaman sa likod-bahay. (Ni Jerossa Dizon, DOST-STII at impormasyon mula sa DOST-X)