Dumaguete City – Upang patuloy na maibigay ang basic education lalo na ang mga araling may kinalaman sa agham at teknolohiya, binahagi ng Department of Science and Technology Negros Oriental (DOST Negros Oriental) sa 21 tinaguriang geographically isolated and disadvantaged areas o GIDA kabilang ang mga lugar na nasa ilalim ng programang End Local Communist Armed Conflict.
Ayon kay ginoong Rene Boy Rodriguez, guro ng Bayog Highschool ng Canlaon City na sa panahong nasa pandemya ang bansa at hindi pinapayagan ang pisikal na pag-aaral, minabuti ng mga guro na gamitin ang Science and Technology Academic Research-Based Openly Operated Kiosks o STARBOOKS sa kanilang mga pagsasaliksik sa mga araling may kinalaman sa agham at teknolohiya. Dagdag pa niya na sa tulong ng STARBOOKS ay nadadagdagan ang mga paksa na nagagamit niya bilang kargdagang aralin para sa kanyang mga mag-aaral.
Kilala bilang kauna-unahang S&T digital library ng bansa, taglay ng STARBOOKS ang iba’t ibang impormasyon at mga babasahin sa S&T. ito ay naglalaman din ng mga library resource sa iba’t ibang anyo kasama ang mga bidyo na naglalaman ng mga kaalaman sa pangkabuhayan nang hindi kinakailangang gamitan ng internet.
Kabilang sa mga paaralan na nakatanggap ng “digital library-in-a-box” ay ang Department of Education (DEPED) Negros Oriental Division na nakatanggap ng 10 STARBOOKS server habang ang mga paaralan sa ilalim ng DEPED Tanjan City Division ay nakatanggap ng tig-isang yunit kabilang ang Inawasan Community High School sa Pamplona, Calicanan High School sa Pamplona, at Sto. Nino High School sa Tanjay.
Samantala, ang Tagpo High School, Javier Laxina I Memorial National High School, at Bais City National High School ay nakatanggap din ng tig-isang yunit ng STARBOOKs server. At gaya ng mga naunang paaralan ay nakatanggap din ang DEPED Guihulngan City Division ng tig-isang yunit ng STARBOOKS na kabilang ang Guihulngan National High School-Sandayao, Guihulngan National High School-Trinidad at Guihulngan National High School-Poblacion.
Kabilang din sa mga paaralan na nakatanggap ng STARBOOKS server ay ang mga sumusunod: Bayog High School, Canlaon City; Bagtic High School, Mabinay; Pacuan National High School, La Libertad; Silab High School, Amlan; Siapo High School, San Jose; Tubigon High School, Sibulan; Dobdob High School, Valencia; Jose Marie Locsin Memorial National High School, Zamboanguita; Mainit High School, Siaton; at Nagbinlod High School, Sta. Catalina.
Ang inisyatiba ay suportado ng DOST Regional Office VII Grants-In-Aid na layun na mapabuti ang pag-aaral ng mga estudyante sa pamamagitan ng STARBOOKS na kabilang sa mga liblib at malalayong lugar sa rehiyon.
Sa pinakahuling tala, mayroon nang 77 yunit ng STARBOOKS ang naipamahagi sa lalawigan ng Negros Oriental. (Ni Joy M. Lazcano, DOST-STII at impormasyon mula kay Engr. Reinhold Jek Y. Abing, DOST-Negros Oriental).